MANILA, Philippines- Mayroong suhestiyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa mga walang ka-date sa Araw ng mga Puso: Yumakap sa puno.
Ayon sa DENR, lumalabas sa pag-aaral na napatataas ng paglalaan ng oras sa mga puno ang oxytocin levels—ang hormone na nagdudulot ng pagiging kalma at emotional wellbeing.
“Hugging a tree and spending time around trees can lower blood pressure and heart rates, improve immunity, and reduce stress and anxiety levels,” pahayag ng DENR Forest Management Bureau.
“Go ahead and try it! Go outside, hug a tree and feel nature’s best theraphy!”
Paliwanag ng DENR, walang partikular na puno na dapat yakapin dahil kahit ano ay may parehong benepisyo.
Bilang bahagi ng Tree Hugging Campaign, nanawagan ang Forest Management Bureau ng DENR na makilahok sa photo and caption competition upang ipagdiwang ang koneksyon sa kapaligiran.
Base sa ahensya, kailangan munang i-like ng mga interesadong lumahok ang FMB Facebook page at i-follow ang official Instagram account ng DENR, at i-share ang event post sa mga platapormang ito.
Bukas ang contest sa lahat ng Pilipinong naninirahan sa bansa at pwede ang individual entries at group submissions (hanggang limang miyembro kada grupo).
Kailangang tampok sa kada entry ang isang high-resolution photo ng isa o mas maraming indibidwal na nakikipag-ugnayan sa puno na nagpapakita ng pagrespeto at interconnection—mandatoryo ang pagyakap sa puno, dagdag ng ahensya.
Kasama ng larawan ang malikhaing caption na naghahayag ng mensahe ng litrato at nagpapaliwanag ng koneksyon sa pagitan ng mga tao at mga puno.
Kailangang naka-public lahat ng entry at naka-post sa personal Facebook accounts na may kalakip na hashtags na #𝗢𝗻𝗲𝗧𝗿𝗲𝗲𝗟𝗼𝘃𝗲, #𝗙𝗠𝗕𝗧𝗿𝗲𝗲𝗛𝘂𝗴𝗴𝗶𝗻𝗴𝗖𝗮𝗺𝗽𝗮𝗶𝗴𝗻𝟮𝟬𝟮𝟱, at #𝗣𝘂𝗻𝗼𝗡𝗴𝗣𝗮𝗴𝗺𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹, kung saan naka-tag ang Official Facebook Page ng Forest Management Bureau.
Kasado ang submission period mula Feb.10 hanggang 14, 2025. RNT/SA