Home NATIONWIDE DepEd dumepensa sa P150M confidential fund

DepEd dumepensa sa P150M confidential fund

MANILA, Philippines- Dinepensahan ng Department of Education (DepEd) ang panukalang P150-million budget para sa confidential expenses para sa taong 2024.

Paliwanag nito, gagamitin ang nasabing pondo para tugunan ang illegal recruitment activities sa mga eskwelahan sa buong bansa.

Sinabi ni DepEd Undersecretary at spokesperson Michael Poa, ang P150 million ay gagamitin para mangalap ng impormasyon ukol sa illegal recruitment sa academic institutions at tuldukan ang nasabing aktibidad.

“Recently, talaga namang kailangan nating aminin na maraming mga intel activities, recruitment, na nangyayari sa ating mga paaralan, pati na rin ang seguridad ng ating mga learners and mga teachers and that is why kailangan natin ng pondo para po makakuha tayo ng kaukulang information,” ani Poa sa isang panayam.

“Itong information na ‘to ay gagamitin natin para po makapag-formulate tayo at makapag-implement ng mga targeted projects, activities, and programs laban sa mga ganitong mga bagay that poses as a risk, that poses a risk to our learners and teachers,” sabi pa niya.

Inamin ni Poa na ang mga bagay na ito ay nangyayari na sa kasalukuyan.

“Talaga pong may ganyang activities po kasi, and that’s why I think unang una sa lahat, kailangan natin aminin din talaga na there’s a need to protect our learners sa mga ganyang bagay,” ang wika ni Poa.

May kabuuang P10.142 billion ang inilaan para sa confidential at intelligence funds sa lahat ng ahensya ng pamahalaan para sa  2024, ang pinakamalaking share ay mapupunta sa Office of the President (OP) na may P4.51 billion — P2.31 billion para sa  intelligence expenses at P2.25 billion para sa  confidential expenses.

Ang panukalang pondo ay kasama sa P500 million para sa Office of Vice President Sara Duterte, kasama rin ang P150 million para sa DepEd kung saan si Duterte rin ang namumuno.

“Basically, itong pondo na ito ay gagamitin natin really for the welfare of our learners and teachers ‘pag dating sa seguridad nila, and peace and order in our schools,” ani Poa.

Sa tanong naman kung bakit ang naturang intelligence collection ay hindi dapat i-coordinate pa sa ibang ahensya gaya ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni Poa na ang mga ahensyang gaya nito ay mayroon nang “big scope.”

“Unang una sa lahat, hand in hand naman po tayo nakikipag-coordinate sa mga national authorities natin ‘pag dating sa mga bagay na ito. Pangalawa, siyempre po ‘yung ating mga national authorities, napakalawak na ng scope nila, nationwide na talaga ‘yan in all aspects,” paliwanag ni Poa.

“Part naman ng mandato ng DepEd na pangalagaan ang ating mga guro at ang ating mga learners, that is why tayo naman ay nararapat na magkaroon ng ganyang pondo para rin po mas matulungan natin ang mga national authorities natin pag dating sa mga bagay that poses threats against our learners and teachers,” dagdag na wika nito.

Sa ilalim ng mandato nito, “the DepEd formulates, implements, and coordinates policies, plans, programs, and projects in areas of formal and non-formal basic education.”

Ito rin ang namamahala sa lahat ng public at private elementary at secondary education institutions, kabilang na ang alternative learning systems. Ito rin ang nangangasiwa sa “establishment and maintenance of a complete, adequate, and integrated” education system.”

“Kailangan din natin sigurong ma-emphasize na while we have also allocated malalaking budget for school infrastructure, for technology, for teachers’ training, lahat po ‘yan may budget, kasama rin talaga sa mandato ng DepEd ang pangalagaan din ang ating mga learners,” aniya pa rin.

“Kailangan po kasi holistic talaga ang approach natin sa education kung gusto nating maganda hindi lang ang quality of education pero pati ‘yung buhay ng mga Pilipino natin na nag-aaral at pati ‘yung mga teachers natin na nagtuturo, and that is why we really have to allot resources for all aspects of our mandate,” dagdag na pahayag ni Poa.

Samantala, base naman sa Budget of Expenditures and Sources of Finance (BESF), naglaan ang  DepEd ng P758.595 billion para sa taong  2024. “Broken down, P567.542 billion will be for personnel services, P142.513 billion for maintenance and other operating expenses (MOOE), and P48.539 billion for capital outlays.”

Pagdating naman sa capital outlays para sa  2024, kabilang sa panukalang budget ang P65 million para sa land outlays, P41.923 billion para sa ‘buildings at  ibang structures’ at  P6.550 billion para sa ‘machinery at equipment outlays.’

“We really have to address all issues. Hindi po tayo pwedeng naka-blinders na isa lang ‘yung ginagawa natin, isinasantabi na natin lahat ng issues, kasi lahat po ‘yan ay importante, lahat po ‘yan ay priority, so lahat po ‘yan ay gagawin natin,”  ayon kay Poa. Kris Jose