Home NATIONWIDE DepEd kinalampag ni Aquino sa mabilisang pag-download ng classroom funds sa LGUs

DepEd kinalampag ni Aquino sa mabilisang pag-download ng classroom funds sa LGUs

130
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Senador Bam Aquino ang Department of Education (DepEd) na agarang i-download ang pondo sa pagtatayo ng silid-aralan sa mga lokal na pamahalaan upang hindi na maulit ang kapalpakan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtatayo ng silid-aralan.

Sa isang panayam sa telebisyon, nagpahayag ng pagkadismaya si Aquino sa mabagal na pag-download ng P65-bilyong pondo para sa classroom construction sa ilalim ng 2026 national budget papunta sa LGUs, at nagbabala na maaaring magdulot ito ng pagkaantala sa pagkumpleto ng mga proyekto.

Aniya, sa imbestigasyon ukol sa maanomalyang flood control projects, natuklasan niyang 99 lamang na silid-aralan ang naipatayo ng DPWH noong 2025—malayo sa target nitong 1,700.

Binigyang-diin ni Aquino na ang pagkaantala sa paglalabas ng pondo sa LGUs ay maaaring makasagabal sa progreso ng konstruksyon, lalo na kung aabot ito sa panahon ng tag-ulan.

“To be honest, medyo nababagalan ako ng konti. I was hoping by the end of March, naka-download na yung pera so that the LGUs can start building during the summertime,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“Kung male-late iyong pag-download ng pera at mag-build sila kapag umuulan na, mas magiging mabagal iyong progreso nila,” dugtong pa niya.

Nagpahayag si Aquino ng pag-asa na mailalabas ng DepEd ang pondo sa tamang oras upang makapagsimula agad ang LGUs sa groundbreaking at konstruksyon ng mga silid-aralan nang walang pagkaantala, na makatutulong sa pagtugon sa tinatayang 166,000 classroom backlog sa bansa.

Kasabay nito, sinabi ni Aquino na maaaring mapalakas pa ang inisyatibang ito sa pamamagitan ng pagpasa ng kanyang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 22-0.

Pinahihintulutan ng panukala ang mga lokal na pamahalaan at mga non-government organization na may napatunayang kakayahan na magtayo ng mga silid-aralan sa kani-kanilang nasasakupan, alinsunod sa mga pamantayan at gabay ng DepEd.

Binigyang-diin ni Aquino ang kahalagahan ng CAP Act at sinabing ang pagpasa nito ay magtitiyak ng taunang pondo para sa classroom construction, na makatutulong upang unti-unting mabawasan ang kakulangan sa mga silid-aralan.

Kumpara sa timeline ng DPWH na umaabot ng dalawa hanggang tatlong taon, sinabi ni Aquino na kayang tapusin ng LGUs ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa loob lamang ng 200 araw, na magbibigay-daan sa mas mabilis na paghahatid ng kinakailangang pasilidad.

“Iyong tamang paraan is that we allow LGUs to build at the same time. Hindi siya naka-focus sa isang agency lang,” wika ni Aquino, na nagsabing matutugunan ang classroom backlog kapag nagsabay-sabay na kumilos ang mga lokal na pamahalaan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here