MANILA, Philippines — Naglatag ang Department of Education (DepEd) ng psychological first aid at psychosocial support para sa mga estudyante, pamilya at school personnel na naapektuhan ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School nitong Martes, Agosto 18.
Ayon sa opisyal na pahayag ng DepEd, nakikipag-ugnayan na ito sa mga mental health partners upang mabigyan ng kinakailangang suporta ang mga naapektuhan ng insidente.
“DepEd stands with the Ateneo de Zamboanga community during this difficult time and is ready to extend whatever support and assistance we can to the affected learners, families, school personnel, and concerned authorities,” saad ng kagawaran.
Nanawagan din ang DepEd sa publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at huwag ibahagi ang sensitibong larawan, video o detalye kaugnay ng insidente, lalo na’t may mga menor de edad na sangkot.
Dalawang estudyante ang kumpirmadong nasawi sa pamamaril, kabilang ang Grade 9 student na itinurong gunman at isang Grade 10 student, ayon sa paunang ulat ng pulisya. Sinabi rin ng Ateneo de Zamboanga University na kontrolado na ang sitwasyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at sa mga pangyayaring humantong sa pamamaril. Santi Celario