Home NATIONWIDE Higit 17K barangay nanganganib sa baha, landslide – DILG

Higit 17K barangay nanganganib sa baha, landslide – DILG

1
0
IMG_20260810_064647_038.jpg

MANILA, Philippines — Mahigit 17,000 barangay sa bansa ang nasa moderate hanggang very high risk ng pagbaha at rain-induced landslide, dahilan upang atasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang paghahanda habang nagpapatuloy ang pag-ulan dulot ng habagat.

Batay sa hazard assessment ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB), kabilang sa mga binabantayan ang mga komunidad na lantad sa baha, landslide at debris flow.

Inatasan ng DILG ang local government units (LGUs) na magsagawa ng pre-disaster risk assessment at tukuyin gamit ang hazard maps ang mga lugar na may mataas na panganib.

Pinaghahanda rin ang mga LGU sa preemptive o mandatory evacuation kung kinakailangan, partikular sa mga residenteng malapit sa ilog, sapa, gullies at iba pang lugar na madalas bahain o tamaan ng pagguho ng lupa.

Dapat ding tiyakin na may sapat na kuryente at operational generators ang evacuation centers at health facilities, habang kailangang nakapuwesto na ang mga tauhan at kagamitan para sa clearing at emergency operations.

Inatasan din ang local disaster offices na bantayang mabuti ang lebel ng mga ilog at higpitan ang pagpasok sa mga lugar na kilalang flash flood-prone.

Pinapayuhan naman ang mga residenteng nasa landslide-prone areas na bantayan ang mga senyales ng panganib gaya ng biglaang pagbabago sa daloy o kulay ng tubig at iba pang indikasyon ng paggalaw ng lupa.

Mariing hinihikayat ang mga nasa highly susceptible areas na lumipat sa mas ligtas na lugar, habang hindi muna dapat bumalik ang mga residenteng dati nang naapektuhan ng landslide hangga’t hindi nasusuri at idinedeklarang ligtas ng mga awtoridad. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here