MANILA, Philippines – HINIKAYAT ng Department of Education (DepEd) ang pribadong sektor na sumali sa nalalapit na 2025 Brigada Eskwela bago pa ang opisyal na pagbubukas ng klase sa lahat ng pampublikong eskuwelahan sa buong bansa.
Ang Brigada Eskwela ay magsisimula mula Hunyo 9 hanggang 13, bago ang pagbubukas ng academic year sa Hunyo 16, ayon sa DepEd Memorandum Order No. 42, series of 2025.
Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang opisyal na pagsisimula ng week-long nationwide activity.
“Nananawagan rin tayo sa ating mga kaibigan sa pribadong sektor at sa mga iba’t ibang komunidad na tumulong dito sa kanilang mga eskuwelahan,” ayon sa Kalihim.
Pinasalamatan naman ni Angara ang mga guro at iba pang stakeholders na makikiisa sa Brigada Eskwela.
Gayunman, sinabi nito na ang mga kontribusyong pinansyal mula sa mga magulang na lalahok sa mga public school activities ay hindi sapilitan.
“Hindi required iyan. Kung gusto lang ng voluntary, dahil bawal iyong mag-require,” ani Angara.
Samantala, mahigit sa 800 eskuwelahan sa buong bansa ang magpapatupad ng pilot run ng revised Senior High School (SHS) curriculum upang tiyakin ang kakayahang magtrabaho ng Grade 12 graduates.
Sa ilalim ng nasabing reporma, “core subjects were reduced to five from 15 per semester.”
Kabilang dito ang Effective Communication, Life and Career Skills, General Mathematics, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino.
“The SHS strands likewise will be replaced with ‘clusters of electives’ to grant learners the flexibility to choose from four curricular exits, including higher education, employment, entrepreneurship, or middle-level skills development,” ayon sa DepEd.
Samantala, sinabi ni Angara na ang SHS learners sa pilot schools ay may kalayaang pumili ng electives para sa kanilang post-SHS plans. Kris Jose