MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa publiko laban sa pekeng social media post na nagsasabi na suspendido ang klase dahil sa monkeypox (Mpox) virus.
Itinanggi ng DepEd ang tsismis na ito at hinikayat ang publiko na maging alerto.
“Fake news ang kumakalat na social media post tungkol sa umano’y suspension of classes dahil sa MPOX virus,” ang sinabi ng departamento.
Pinaalalahanan din ng DepEd ang publiko na maging mapanuri pagdating sa mga hindi beripikadong impormasyon.
“Muling pinaaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri laban sa misinformation,” ayon pa rin sa DepEd.
Upang maiwasan ang pagkalito at paglaganap ng pekeng balita, hinikayat ng DepEd ang publiko na umasa lamang sa mga beripikadong sources.
“Para sa opisyal na mga anunsiyo at impormasyon tungkol sa basic education, bisitahin lamang ang official DepEd Philippines social media accounts,” ayon sa DepEd.
Nauna rito, nagpalabas ng babala ang Department of Health (DOH) laban sa kumakalat na pekeng Facebook posts na nagsasabing magkakaroon ng lockdown bunsod ng Mpox.
Ayon sa DOH, walang katotohanan ang mga ito at bahagi lamang ng disinformation.
Ipinahayag ng ahensya na walang kailangang lockdown dahil hindi airborne ang Mpox. Nilinaw rin ng DOH na wala pang naitalang Clade I-b na kaso ng Mpox sa bansa; ang mayroon lamang ay Clade II, na may mas mababang mortality rate.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na huwag maniwala sa pekeng Facebook posts na maaaring bahagi ng maling marketing strategy o pekeng endorsement.
Hinikayat din ang lahat na kumuha lamang ng impormasyon mula sa kanilang opisyal na Facebook page at website.
Naiparating na rin ng DOH sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nasabing usapin upang agad na maalis ang mapanlinlang na posts. Kris Jose