MANILA, Philippines- Nasa 37,000 pulis ang ide-deploy ng Philippine National Police para sa pagbubukas ng School Year 2025-2026 ngayong buwan, ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo nitong Sabado.
“Nakahanda na tayo… Nasa 37,000 police officers ang ide-deploy natin,” pahayag ni Fajardo sa isang panayam.
“Five thousand ang ilalagay natin sa mga police assistance desk sa mga paaralan,” dagdag niya.
“Mayroon ding police mobile at foot patrollers malapit sa mga paaralan,” patuloy ng opisyal.
Sa Northern Mindanao, pinaigting ng Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) ang seguridad sa rehiyon bago magsimula ang klase.
Ipinag-utos ni PRO-10 director Brigadier General Jaysen De Guzman sa lahat ng provincial at city police offices na mag-deploy ng maximum personnel sa strategic areas, kabilang ang mga paaralan, transport terminals, airports, seaports, malls, business centers, at iba pang lugar kung saan nagtitipon ang mga tao, batay sa naunang ulat.
Inanunsyo ng Department of Education na bubuksan ng public schools sa buong bansa ang klase para sa School Year 2025–2026 sa June 16, 2025.
Aarangkada ang school year hanggang March 31, 2026, saklaw ang 197 class days, kabilang ang End-of-School-Year (EOSY) rites. RNT/SA