Home NATIONWIDE DepEd sa hirit ni PBBM na mabilisang balik-old school calendar: Kalma lang

DepEd sa hirit ni PBBM na mabilisang balik-old school calendar: Kalma lang

MANILA, Philippines – Nanatiling matatag ang Department of Education (DepEd) sa desisyon nitong sumunod sa orihinal na timeline para sa pagbabalik sa lumang kalendaryo ng paaralan.

Naglabas ng pahayag ang DepEd na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte bilang tugon sa anunsyo ni Pangulong Marcos noong Miyerkules, Abril 10, na pinababalik nito ang dating school calendar “sa lalong madaling panahon” upang maka-adjust sa matinding init na kasalukuyang nakakaapekto sa mga klase sa buong bansa.

“To reduce the timeline any further would have significant impacts not only on learning outcomes but also on the well-being of learners and teachers due to the lack of sufficient breaks,” tugon ng DepEd.

Ipinunto nito na ang unti-unting paglilipat ng kalendaryo ng paaralan, tulad ng nakasaad sa Deped Order No. 3, ay resulta ng malawakang konsultasyon sa field personnel, student leaders, at mga organisasyon ng magulang at guro.

Sinabi ng DepEd na ang inisyal na plano ay magpatupad ng limang taong transition period para sa pagbabalik sa April-Mayo break, upang bigyang-priyoridad ang learning outcomes at breaks.

Gayunpaman, pagkatapos isaalang-alang ang feedback na natanggap sa panahon ng mga konsultasyon, ang timeline ay pinaikli sa dalawang taon lamang.

Ipinaliwanag din nito na may itinatag na patakaran para sa mga paaralan na lumipat sa Alternative Delivery Modes (ADM) kung sakaling magkaroon ng gawa ng tao o natural na mga sakuna, tulad ng mga abala sa panahon.

Sa ngayon, 5,844 sa 47,678 pampublikong paaralan sa buong bansa ang lumipat sa mga ADM.

“Rest assured that DepEd is committed to improving the quality of basic education and will seek clarification from the President in relation to his recent pronouncements regarding the reversion upon his return from the Trilateral Summit,” dagdag pa ng DepEd. Santi Celario