MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes ang kahandaan nitong sundin ang desisyon ni Pangulong Marcos ukol sa pagbabalik ng June-to-March school calendar.
Kinumpirma ni DepEd Undersecretary and Spokesperson Michael Poa na naisumite na ng ahensya ang proposal nito sa Office of the President (OP) ukol sa pagbabago ng school calendar.
“In our letter to OP regarding DepEd’s proposal for the reversion to the June-March SY [school year], we already stated that we commit to abiding by the president’s decision on the matter,” wika ni Poa.
“The most aggressive option I mentioned [during the] hearing would be ending SY 2024-2025 on March 31, 2025,” dagdag ni Poa. Dahil sa posibleng adjustment, ang susunod na school year ay bubuuin ng halos 165 school days.
Bunsod ng matinding init na nararanasan sa bansa, sinuspinde ng ilang paaralan ang face-to-face classes at lumilipat sa Alternative Delivery Modes (ADMs) mula noong Abril.
Hanggang nitong Mayo 6, lumalabas sa datos ng DepEd na 7,372 mula sa 47,678 paaralan sa buong bansa ang lumipat sa ADMs.
Dahil sa epekto ng class suspensions sa kalusugan at pagkatuto ng mga estudyante at guro, hinikayat ng ilang grupo ang DepEd na bumalik sa pre-pandemic calendar kung saan ang school year para sa mga paaralang nag-aalok ng basic education ay nagsisimula tuwing Hunyo at natatapos sa buwan ng Marso. RNT/SA