Home HOME BANNER STORY Mga asawa ng PDLs nagreklamo vs strip search sa Bilibid

Mga asawa ng PDLs nagreklamo vs strip search sa Bilibid

MANILA, Philippins- Naghain ng reklamo ang mga asawa ng persons deprived of liberty (PDLs) nitong Lunes sa Commission on Human Rights laban sa strip search na naranasan nila sa New Bilibid Prison (NBP) noong Abril.

Ayon sa KAPATID, isang support group para sa mga pamilya ng political prisoners, naganap ang pangangapkap sa visiting area ng NBP Maximum Security Compound, na nasa ilalim ng Inmate Visitation Service Unit, nong Abril 21. 

“The humiliating experience of the wives of political prisoners need to be investigated for outright violations of international and national laws governing the treatment of prisoners and visitors and violence against women as well as for brazen harassment,” pahayag ni Kapatid spokesperson Fides Lim.

Ayon sa KAPATID, sinabi ng jail searchers sa mga asawa ng mga preso nagmula ang kautusan “sa itaas.” 

Ani Lim, ang waiver, isang consent form na pumapayag sa pangangapkap, na nilagdaan ng mga pamilya ay “used as a tool of abuse.” 

Ibinahagi ng ilang asawa ng mga PDL ang kanilang karanasan hinggil sa reklamo, kung saan pinatanggal sa kanila ang kanilang kasuotan, pinatuwad at pinabuka ang mga pribadong bahagi ng katawan upang suriin kung may nakatagong kontrabando.

Ayon naman sa isa pa, pinaulit ito sa kanya nang 10 beses dahil hindi umano tama ang kanyang ginagawa, base umano sa searcher.

Samantala, sinabi nina ACT Teachers Representative France Castro at Gabriela Rep. Arlene Brosas na itutulak ng Makabayan bloc ang congressional probe sa mga insidenteng ito.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Bureau of Corrections, nangangasiwa sa NBP, ukol dito. RNT/SA