MANILA, Philippines- Sinabi ng Chinese Embassy sa Manila na “successful joint operation” sa pagitan ng Pilipinas at China ang deportasyon ng 80 Chinese na manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ilegal na nag-ooperate sa bansa.
“On September 6, in line with the consensus to strengthen law enforcement cooperation against POGOs, law enforcement authorities of China and the Philippines repatriated nearly 100 Chinese citizens engaged in offshore gambling in the Philippines,” ayon sa embahada.
“This is another successful joint operation following Philippine government’s announcement of ban on all POGOs,” ang sinabi pa nito.
Nauna rito, sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ide-deport nila ang mahigit sa 80 Chinese na manggagawa na naaresto sa anti-illegal POGO operations sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Sinabi ni PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio na ang deportees ay ibibiyahe sa Shanghai, kung saan mananatili at maiiwan ang kalahati habang ang natitira naman ay isasakay patungong Xi’an.
“Almost kalahati, ma-iiwan sa Shanghai. Iyon ‘yung galing ng Bamban. Doon sila kinasuhan ng China. Iyong kalahati mahigit papunta ng Xi’an. Iyon ‘yung galing ng Porac,” ang sinabi ni Casio.
Samantala, ang patuloy na anti-illegal POGO operations ng PAOCC ay alinsunod sa naging deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo na bawal na ang lahat ng POGO sa pagtatapos ng taon. Kris Jose