Home NATIONWIDE Paghahanda ng PPCRV para sa Eleksyon 2025 puspusan

Paghahanda ng PPCRV para sa Eleksyon 2025 puspusan

MANILA, Philippines- Puspusan na ang paghahanda ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa nalalapit na 2025 Midterm Elections.

Tiniyak ni PPCRV Media and Communications Director Ana De Villa Singson ang pagsasakatuparan sa mandato bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas.

Ayon kay Singson, kabilang sa pagtutuunan ng PPCRV ang paghuhubog ng mga model Filipino o mamamayang makabayan, maka-Diyos at matapat na katangiang dapat ding taglayin at hanapin ng mga botante sa mga ihahalal na opisyal ng pamahalaan.

Binigyang-diin pa ni Singson na hindi lamang sapat na turuan ang mga botante na pumili ng karapat-dapat na mga kandidato, sa halip ay dapat ding taglay ng mga botante ang mga mabubuting katangiang hinahanap sa mga lingkod-bayan.

Paliwanag ni Singson, kung taglay ng bawat Pilipino ang mabubuting katangian bilang isang indibidwal ay mas madali ring kilatisin ng mga botante ang mga katangiang ito sa mga kandidato.

Sinabi ni Singson na mahalagang muling pagtuunan ng pansin ang values formation na tila unti-unting nawawala sa lipunan.

Kaugnay nito, ilulunsad ng PPCRV ang ‘TIBOK PINOY’ na magsisilbing values development program ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting para sa papalapit na halalan sa bansa.

Nakatakdang ilunsad ang programa sa ika-10 ng Setyembre, 2024 ganap na alas-3 ng hapon sa Dusit Thani Hotel sa Makati.

Matatandaang Oktubre taong 1991 nang opisyal na ilunsad ang PPCRV bilang isang independent, non-profit at non-partisan organization na may mahigit sa 700,000 volunteers mula sa may 86 diyosesis sa buong bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden