Home METRO Lalaki himas-rehas sa sex trafficking, rape

Lalaki himas-rehas sa sex trafficking, rape

MANILA, Philippines- Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki sa San Mateo, Rizal dahil sa panggagahasa sa isang dalagita at pag-operate ng sex trafficking ng mga kababaihan kabilang ang menor-de-edad.

Kinilala ng NBI ang suspek na si Dennis “Baste T. Cansino, na naaresto ng NBI’s Special Task Force (NBI-STF) nang isilbi ang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) sa San Mateo kamakailan.

Natuklasan ng mga ahente ng NBI-STF ang ilang child pornographic materials at Child Sexual or Exploitation Materials (CSAEM) sa mga electronic gadget/device ng suspek.

Nagresulta rin ang operasyon sa pagkakasagip sa apat na babaeng biktima, isa rito ay menor-de-edad at isang lalaking menor-de-edad din.

Sinabi ng NBI na kumilos ito batay sa impormasyon na may isang ‘Baste’ ay nagre-recruit, naghahatid at nagkukulong sa mga kababaihan kabilang ang mga menor-de-edad para sa sekswal na pananamantala sa ilalim ng pagkukunwari ng operasyon bilang isang lehitimong on call/outcall online spa massage service.

Sa pamamagitan ng pangangalap ng impormasyon, nakilala ang isang menor na nagbigay ng kanyang sinumpaang salaysay at tumestigo laban sa ilegal na aktibidad ni Cansino.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 11930, ang Anti-Online Sexual Exploitation, Abuse o Exploitation of Children Act, Cybercrime Prevention Act of 2012; qualified rape Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Jocelyn Tabangcura-Domenden