MANILA, Philippines- Sinabi ni Justice spokesperson Mico Clavano na naghain ang kampo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo ng panibagong mosyon kung saan hinihiling sa Department of Justice na tanggapin ang kanyang counter-affidavit sa human trafficking complaint laban sa kanya.
Sa isang media briefing, sinabi ni Clavano na inihain ang mosyon noong Biyernes.
“Nag file po sila ng isa pang motion dito sa ating panel of prosecutors para i-renew ‘yung request nila na i-admit ‘yung counter affidavit ni Alice Guo,” pahayag ng opisyal.
Noong Agosto, naghain si Guo ng mosyon na humihirit sa DOJ na tanggapin ang kanyang counter-affidavit, kung saan hiniling niya sa departamento na ibasura ang kanyang trafficking complaint.
Ikinasa ang counter-affidavit ni Guo ilang araw matapos maisumite para sa resolusyon ang reklamo laban sa kanya noong Agosto 6.
Ninotaryo ito noong Agosto 14 sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Kalaunan ay inamin ng abogadong nagnotaryo na hindi personal na nanumpa sa harap niya si Guo, na rekisitos.
“What they wanted to do was to reaffirm the counter-affidavit dahil siguro alam na po nila na hindi tama ‘yung ginawa nilang proseso where they actually filed it for the first time,” pahayag ni Clavano.
“Hindi naman po pwede ‘yan na mag no-notarize ka ng isang dokumento na hindi mo naman kita ‘yung ang swe-swear sa harap mo. So we believe that there are definitely actionable things here that need to be, I guess, taken advantage of,” giit ng opisyal.
“This is also a way for us to signal to the legal profession that we have to take what we do seriously. [Hindi] dahil lang po marami namang notaryo, hindi naman ibig sabihin na maliit ang trabaho nila. They contribute as well to the integrity to the legal profession,” patuloy niya.
Aniya pa, naniwala umano siyang isinagawa ang paghahain ni Guo “out of convenience.”
“Pero sa tingin ho natin ay hindi naman pwe-pwede na dahil nandito lang siya. Dahil kung hindi naman siya nahuli, hindi din naman siya makakapag file. So this is made out of convenience from her camp,” sabi ni Clavando.
“We leave it up to the prosecutors to really decide on whether or not it is justified to accept that motion,” patuloy niya. RNT/SA