Home OPINION DEPORTEES MULA US PAGHANDAAN NA

DEPORTEES MULA US PAGHANDAAN NA

HINDI na biro-biro ang nagaganap na pag-aresto at pagpapalayas o pag-deport ng mga Kano sa mga dayuhang ayaw nilang manirahan sa kanilang bansa at mga teritoryo.

Mula sa 1,000 araw-araw lang na target na pag-aresto mula Enero-Mayo 2025, ginawa na itong 3000 sa Mayo-Hunyo at tuloy-tuloy na ito para maabot ang 1 milyong maaresto at ma-deport kada isang taon.

Tinatayang may 10-12 milyong dayuhan ang nais na palayasin ni Trump at inaasahan nitong wala na ang mga ito sa loob ng 10 taon o mas maaga pa.

Kabilang sa mga posibleng masibak sa US ang nasa 350,000 Pinoy na alanganin ang paninirahan nila roon.

May 4.6 milyong Pinoy sa buong US, kasama na ang nasabing 350,000.

Ngunit kahit na ayos ang iyong paninirahan doon, anak ng tokwa, kapag nakasuhan ka ng anong krimen, malamang na hindi na ma-deport ka at hindi na kailangang mapatunayan kang guilty o hindi ng korteng Kano.

ISTAYL MILITAR NA

Dahil nababagalan si US President Trump sa paghahanap na gusto niyang mapatapon palabas, bukod sa paglaki mula sa 1,000 sa 3,000 ang pang-aaresto, panay raid na ang ginagawa ng mga ahente ng Immigration and Customs Enforcement.

Dati-rati, binabak-apan ang mga ICE ng mga traffic police, Federal Bureau of Investigation at Homeland Security Department.

Ngayon, mga Bro, kasama na ang mga National Guard na ginagamit lang sa mga emergency gaya ng laban sa terorismo, state of emergency at iba pang malalaking pangyayari.

Ginagamit na rin ng administrasyon ni Trump ang lahat ng pwersa militar nito.

Ang mga eroplanong military at iba pang sasakyan nito ang mabilis na ginagamit sa pagkarga ng mga deportee, papuntang airport at saka isakay sa mga military plane palabas ng US.

Lalong ginagamit na lahat ni Trump ang mga pwersang sibilyan, pulis at military nito dahil sa pagtutol na lumayas ang mga pinalalayas at paggamit ng pwersa ng mga ito laban sa mga pwersa ng pamahalaan.

Pati ang mga protektor nilang mga politiko, employer at human rights groups lumalaban din.

Sa California lang na may 1.6 milyong Pinoy, aba, bentahe ng isang kandidatong gobernador dito sa halalan ang ganyang karaming tao na may malaking boto.

Bentahe rin ng mga employer na Kano ang mga dayuhan dahil tumatanggap ang mga ito ng mas mababang sahod kumpara sa sahod ng mga Kano.

Ang human rights group, natural na magtatrabaho ang mga ito, lalo na ang mga grupong nabubuhay sa pondo mismo na galing sa mga kliyente nila.

Sa Los Angeles, California ang kasama sa mga lugar na may mga labanan ng mga pwersa ng gobyerno at mga inaaresto at dine-deport.

PAGHANDAAN NA SILA

Walang sinisino ang mga Kano sa gusto nilang i-deport.

Dapat maglatag na ng pondo, transportasyon, tao, kagamitan at iba pa ang pamahalaan bilang suporta sa mga made-deport.

At dapat tapatan ang bilang ng mga deportee, kasama na ang pag-ayuda sa pamilya ng mga ito, sa posibilidad na darating sa bansa ang mga ito nang walang-wala at walang-wala rin ang mga madadatnan nilang pamilya.

O ipaghanda na sila.