MANILA, Philippines – Kinalampag ng mga sektor ng magbababoy at mga stakeholder ang gobyerno partikular ang Department of Agriculture (DA) ukol sa mabagal na pagbabakuna sa mga baboy sa bansa laban sa African Swine Flu (ASF).
Sa isang media forum sa Maynila, muling nakiusap ang mga hog raisers na bilisan ang pagbabakuna sa mga baboy dahil naisagawa naman na anila ang roll-out noong Agosto 30.
Panawagan pa ng mga hog raiser, mas maraming alagang baboy ang maliligtas at hindi malulugi ang mga nagnenegosyo kabilang ang mga feed producers kung mabilis ang pagbabakuna lalo na sa mga backyard hog raisers.
Ayon kay Rico Geron, CEO ng SoroSoro Ibaba Development Cooperative, kung magpapatuloy na mamamatay ang mga baboy ay liliit ang suplay nito dahil sa ASF, hindi maiwasan na magtaas naman ang presyo nito sa darating na Kapaskuhan kung kailan mataas na ang demand.
Kasama ang mga miyembro ng National Federation of Hog Farmers Inc. at Pork Producers Federation of the Philippines, muling hinihimok ni Agap Partylist Rep. Nick Briones ang pamahalaan na magdeklara na ng national state of emergency kontra ASF.
Sinabi ni Briones na araw-araw ay may namamatay na baboy dahil sa mabagal na pagbabakuna.
Aniya, tinatayang nasa siyam na milyon ang bilang ng baboy sa bansa kung saan 40% dito ay mga national hog raisers habang 60% ang tinatawag na backyard hog raisers na lubos na nangangailangan ng bakuna.
Idinagdag pa ni Geron na handa silang tumulong sa pamahalaan upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga apektadong hog raisers dahil mayroon silang kooperatiba at network sa Luzon tulad ng mga technician at beterinaryo.
“Kami ay nagboboluntaryo sa pamahalaan para pabilisin ang roll-out ng bakuna sapagkat mabilis nauubos kabuhayan at alaga ng ating mga kabahayan,” pahayag ni Geron.
Nang magroll-out noong Agosto 30 sa Lobo, Batangas kung saan nagkaroon ng outbreak ng ASF, sinabi ni Briones na natutuwa ito dahil may bakuna sa mga baboy kaya naman nanawagan ito ngayon na sana ay magkaroon ng sistema at gumamit ng cooperative industry leaders upang mapabilis ang pagbabakuna.
Sa nasabing roll-out, 10,000 doses ng bakuna kontra ASF ang itinurok pero natatagalan ang proseso nito dahil sa paghihintay ng resulta sa mga isinasagawang pag-aaral gayundin ang sinasabi ng Food and Drug Administration (FDA) na ‘gene-sequencing’ na ayon kay Briones ay hindi na kailangan dahil ang nararapat ay ang agarang aksyon na para sa mga naapektuhang kabuhayan.
Aniya, ang pagdedeklara ng state of emergency ay magiging paraan para agad at mabilis ang roll-out ng bakuna sa mga mas nangangailan lalo na sa mga lalawigan na lubhang apektado ng sakit. Jocelyn Tabangcura-Domenden