Home NATIONWIDE Dermatologists prayoridad na mabigyan ng unang batch ng mpox vax – DOH

Dermatologists prayoridad na mabigyan ng unang batch ng mpox vax – DOH

154
0

MANILA, Philippines – Prayoridad na makatanggap ng mga unang doses ng bakuna kontra mpox ang mga healthcare worker, partikular ang dermatologists, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Agosto 26.

Ipinaliwanag ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na bilang frontliners na inisyal na sumusuri sa mga pasyenteng may skin condition na maaaring nakahahawa, dapat ay bigyang prayoridad ang dermatologists sa pagtanggap ng bakuna kontra mpox sa oras na dumating na ito sa Pilipinas.

“Nakikita namin this early na ang uunahin is ‘yung mga frontliners at ‘pag sinabing frontliners, ang pinag-uusapan natin ay ‘yung mga dermatologists,” sinabi ni Domingo sa panayam ng DZBB.

“When that time comes at meron na tayong makukuhang mpox vaccine, ang unang bibigyan natin is ‘yung mga humaharap sa pasyente na may mpox kasi hindi sila puwedeng mahawa dahil sila ‘yung unang panangga natin,” dagdag niya.

Samantala, sinabi pa ni Domingo na ang susunod na grupong makatatanggap ng bakuna ay ang “key populations.”

“Depende ‘yan sa datos na makikita natin. Ngayon nasa case number 10 tayo…pero based on epidemiology, bibilangin natin at titignan natin ano ba ang mga characteristic? Ano ba ‘yung mga behaviors? Saan ba nila nakukuha? At ‘yun uunahin nating bigyan,” aniya.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang Pilipinas ay nasa proseso ng pagkuha ng 2,000 doses ng mpox vaccines na inalok sa bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here