Home NATIONWIDE Desisyon ng SC na lipat-kaso sa QC RTC pinalagan ng kampo ni...

Desisyon ng SC na lipat-kaso sa QC RTC pinalagan ng kampo ni Quiboloy

MANILA, Philippines – Target ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy na maghain ng motion for reconsideration sa Supreme Court kaugnay sa kautusan nito na ilipat ang pagdinig sa mga criminal cases ni Quiboloy sa Quezon City RTC mula Davao RTC.

Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, isa sa legal counsel ni Quiboloy na ikinagulat nila ang ruling at maaring nalabag ang karapatan ng kanilang kliyenye sa due process.

Ayon kay Torreon, nagdesisyon ang SC sa walang basehan at walang katibayan na alegasyon ng Department of Justice na magiging bias umano ang Davao RTC kung ito ang didinig sa mga kaso.

“If analyzed properly, may actually constitute a slight on the local courts in Davao City and may be interpreted as an attack on the judiciary as a whole.”

Ang mga pahayag aniya ng DOJ ay nakakabawas ng tiwala ng publiko sa judicial system.

Dagdag pa ni Torreon, ang paglilipat ng venue ng pagdinig ay malaking pasanin at abala hindi lamang sa anim na akusado kungdi maging sa mga haharap na testigo.

Magkagayunman, susunod pa rin aniya sila sakaling manindigan ang SC sa kanilang ruling.

Una nang inihayag ng Mataas na Hukuman na may sapat na dahilan para ilipat sa Metro Manila ang pagdinig sa kaso ni Quiboloy dahil sangkot dito ang interes ng publiko lalo pa at ang akusado ay maimoluwensya sa Davao. Teresa Tavares