MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na posibleng mailabas sa Hulyo ang desisyon sa mga petisyong humihiling ng ₱1,200 arawang minimum na sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ayon kay DOLE spokesperson at Assistant Secretary Lennard Serrano, umabot na sa 16 ang mga petisyong natanggap ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region (NCR) para sa umento sa sahod.
Pinakahuli sa mga petisyon ay mula sa Business Process Outsourcing Industry Employees Network (BIEN) Philippines, na inihain noong Miyerkules, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo dahil sa tensyon sa Middle East.
“Let’s see how they will treat the petition. It is included in the study for the July 18 new issuance and how they will treat it as urgent and reasonable grounds in addressing the petition,” ani Serrano.
Ayon sa DOLE, may kapangyarihan ang RTWPB na magrepaso ng mga petisyon at maglabas ng wage order o desisyon sa minimum wage adjustments.
Ipinunto rin ni Serrano na may 12-buwang wage cycle, at ang susunod na posibleng wage order ay inaasahang mailabas sa Hulyo 18. Nasa ilalim din ng pagsusuri kung ang mga petisyon ay ituturing na urgent o isasama sa regular na review.
Sa petisyon ng BIEN Philippines, binanggit nila ang pagtaas ng presyo ng langis, patuloy na pagtaas ng bilihin, pagbaba ng purchasing power ng piso, at deklarasyon ng national energy emergency bilang dahilan ng agarang umento.
“Ang NCR’s anniversary [of wage order issuance] is July 18; a new wage order may be issued by then,” dagdag ni Serrano.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng ₱50 umento sa minimum wage sa NCR, kung saan ang sahod sa non-agricultural sector ay tumaas mula ₱645 patungong ₱695 kada araw.
Sinabi rin ng DOLE na may mga natanggap ding petisyon para sa umento sa sahod sa ibang rehiyon at isasailalim din ang mga ito sa review. RNT/MND