MANILA, Philippines – Sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paggamit ng real-time data analytics system para mas mapabilis at mas matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad sa panahon ng kalamidad.
Gamit ang Disaster Response Operations Management, Information, and Communications (DROMIC) unit at sa pakikipagtulungan ng Micropinnacle Technology Corporation, pinagsasama sa iisang platform ang datos mula sa iba’t ibang pinagmulan.
Ayon kay DSWD-Disaster Response Management Group Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao, mas magiging mabilis, malinaw, at transparent ang operasyon ng ahensya.
“Dahil iisa na lamang po ang pagkukunan ng datos, mas magiging malinaw at transparent ang ating disaster operations. Matitiyak nito na ang bawat pondo at tulong ay nagagamit nang maayos at naaayon sa pangangailangan ng mga apektado ng sakuna,” ani Dumlao.
Ayon sa DSWD, natutugunan ng bagong sistema ang matagal nang problema sa paghawak ng malalaking datos mula sa 18 regional offices nito.
Pinapayagan din nito ang halos real-time na pagsubaybay sa bilang ng mga apektado, suplay ng tulong, at estado ng mga relief operations.
Sinabi naman ni DSWD Chief Information Officer at ICT Assistant Secretary Johannes Paulus Acuna na hindi lang ito tungkol sa “bad data,” kundi sa mas maayos na pag-unawa at pagsasama-sama ng impormasyon.
“Before, it wasn’t always just about poor data quality, it was about understanding and reconciling the data from different sources. Now that everyone sees the same data, decisions can be made more confidently,” ani Acuna.
Dagdag pa ng ahensya, bumilis ang pag-replenish ng relief goods dahil ang food at non-food items ay napapalitan na sa loob ng 24 oras tuwing may emergency.
Nakakatipid din umano ang DSWD ng humigit-kumulang 5 hanggang 10 porsiyento dahil sa mas maayos na pagpaplano at proseso.
Ginagamit din ang naturang platform sa monitoring ng mga programa, planning, at budgeting ng ahensya. RNT/MND