MANILA, Philippines – Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Office of the Ombudsman sa pagsibak kay Cesar Chiong bilang general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Katulad kay Chiong, ganito rin ang naging hakbang ng CA sa desisyon ng Ombudsman na sibakin si Irene Montalbo, dating assistant general manager ng MIAA dahil sa paglilipat ng halos 300 kawani ng ahensya.
Sa 13-pahinang desisyon ng Thirteenth Division ng CA, sinabi ng CA na walang merito ang desisyon ng Ombudsman na nagkasala sina Chiong at Montalbo ng Grave Abuse of Authority, Misconduct, and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, sa ginawang paglilipat ng mga kawani.
“Granting that the OMB made an independent examination of the reassignments from the perspective of grave abuse of authority or oppression, we find the Decision to lack factual basis and substantial support in evidence,” saad sa desisyon ng CA.
Matatandaan na nag-ugat ang reklamo laban kina Chiong mula sa “anonymous MIAA officials” sa ginawang reassignment sa 285 kawani sa loob ng wala pang isang taon sa puwesto ng opisyal bilang acting General Manager at Member of the Board of Directors ng MIAA.
Dahil dito, noong Mayo 2023 ay inilagay sa preventive suspension sina Chiong at Montalbo dahil sa reklamo.
Ilang buwan makalipas nito ay ipinag-utos ng Ombudsman na sibakin sa pwesto ang dalawa.
Kasunod nito ay naghain ng petisyon sa CA sina Chiong at Montalbo para ireklamo ang desisyon ng Ombudsman na nagpasya umano nang walang sapat na ebidensya.
“Perusal of the records shows that there was neither a definitive ruling from the CSC that the reassignment was invalid, nor at least a referral of the case to the CSC for such prior determination,” ayon sa CA.
Nanindigan naman ang Ombudsman na ipinatupad nila ang kanilang concurrent administrative jurisdiction sa kaso nina Chiong at Montalbo. RNT/JGC