Home NATIONWIDE Detalye ng dayuhan na gumamit ng lehitimong PH passport, ibinulgar sa Senado

Detalye ng dayuhan na gumamit ng lehitimong PH passport, ibinulgar sa Senado

MANILA, Philippines – Nabulgar sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga detalye kung paano nakakakuha ng lehitimong pasaporte ng Pilipinas ang ilang dayuhan gamit ang government issued documents.

Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng BRC, sinabi ni Senador Pia Cayetano na natuklasan ito sa isang kaso ng dayuhan na nakakuha ng legitimate Philippine passport at isang overseas Filipino worker (OFW) na pigilang lumabas ng bansa, sa pamamagitan ng identity theft.

Ayon kay Cayetano, chairman ng BRC, na isang Vietnamese national ang pinalayas ng Bureau of Immigration (BI) matapos matuklasan na mayroon silang hawak na pekeng Philippine passport.

“The Philippine passport of alias ‘Nguyen’ bore a name alongside her photo which was different when compared to her Vietnamese passport. The document, however, was ‘found to be genuine and duly issued’ by the Department of Foreign Affairs (DFA),” ayon kay Cayetano.

Ipinagpatuloy pa ni Cayetano sa pagdinig ng komite na nagsagawa ng sariling imbestigasyon sa dayuhan na nakakuha ng Philippine passports, na natisod nilang kaso ng isang alyas “Jane,” isang OFW na tutungo sana sa Kingdom of Saudi Arabia nitong January 25 pero pinigilan ng BI matapos hindi magkatugma ang kanyang mga pahayag.

Sinabi ni Jane sa BI na unang beses pa lamang siyang tutungo sa labas ng bansa ngunit nakita sa records ng immigration na umalis na ito noong 2015 at 2019 at hindi pa nakababalik ng bansa.

“According to Ms. Jane, it was her first time to depart the country as an OFW. She was not aware at all that there is another person allegedly using her identity,” ayon kay Cayetano.

Ipinaliwanag umano ni Jane na pinalitan ng kanyang recruiter sa Maguindanao ang kanyang birthdate at birth year mula 1993 sa 1990. Nagbayad din siya ng P15,000 sa bagong birth certificate at kinuha ng recruiter ang kanyang passport at iba pang dokumento.

Simula noong 2014, naka-block na si Jane sa kanyang recruiter. Inamin ng DFA at BI na alam nila ang kaso ni Jane.

“[Jane] is Pilipino naman talaga pero may gumamit ng identity niya, identity theft…In the first case, it appears to be a foreigner who now has found a way to obtain a Filipino passport…Those are two separate cases… Those are our very troublesome issues… Ang pinakamasakit is the question that I am about to raise: Nabebenta na ba ang Philippine citizenship? At magkano para maging Filipino citizen?” tanong ni Cayetano.

“It’s sad that I have to ask that question, but that is the effect of what we are seeing. Nabebenta ang Philippine Citizenship,” giit pa ng senador.

Iniimbestigahan ng komite ang hindi awtorisadong pagkakalat at paggamit ng dokumento ng gobyerno ng mga dayuhan tulad certificate of live births, passports, at tax identification numbers.

“The motu proprio investigation stemmed from the information revealed during the deliberations of the 2024 national budget that the BI had intercepted at least 10 foreigners for using Philippine passports even if they did not look or speak like Filipinos,” ayon sa komite.

Tinatanggap ng DFA, ang nagpapalabas ng Philippine passport ang birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) kasama ang valid government-issued ID cards bilang requirement sa passport application kaya’t nabibigyan ng pasaporte ang sinumang dayuhan na nagkukunwaring Filipino.

Noong nakaraang taon, ibinulgar ng PSA na umabot sa 308 fake birth certificates ang naipalabas para sa Philippine passport applications noong 2023. Ernie Reyes