Home METRO Magat dam magbabawas ng mapatutubigan sa susunod na taniman

Magat dam magbabawas ng mapatutubigan sa susunod na taniman

CAUAYAN CITY, Isabela – Dahil sa inaasahan ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Magat Dam ay inihayag ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS na mababawasan ang lawak ng mga sakahang mapapatubigan nila sa susunod na cropping season.

Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager A ng NIA-MARIIS, patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Magat Dam dahil sa kawalan ng pag-ulan sa watershed areas na epekto ng El Niño Phenomenon.

Aniya, nasa 173.47 meters above sea level ang water elevation ng dam kung saan ay nasa 30.18 cubic meters per second naman ang inflow o pumapasok na tubig habang ang outflow ay nasa 76.39 cubic meters per second.

Nakatakda naman ang cut off sa patubig ng NIA-MARIIS sa Marso 15, kaya tiwala silang kakayaning makapag-ipon ng tubig para sa susunod na cropping season.

Dahil sa kawalan ng ulan ay inaasahang mas bababa pa ang lebel ng tubig kaya pinaalalahanan nila ang mga magsasaka na maaaring mabawasan ang lawak ng mga sakahang kanilang matutustusan ng patubig.

Sinabi pa ni Engr. Dimoloy na 60,000 ektaryang sakahan lamang ang inaasahan nilang kakayaning mapatubigan mula sa dating 90,000 ektarya ngayon pananalasa ng tag-tuyot.

Ngunit nakadepende umano sa magiging elevation ng dam at sa mapag-uusapang plano ng pamunuan at mga stakeholders nito.

Iginiit ni Engr. Dimoloy na nais man nilang mapatubigan lahat ng mga sakahan ay maaaring magdulot naman ito ng kanilang pagkalugi kapag nagkulang na ang tubig sa reservoir.

Nakatakdang buksan muli ang patubig ng Magat Dam sa Mayo 7 para sa pagsisimula ng mga magsasaka ngayon wet cropping season.

Samantala, umapela si Engr. Dimoloy sa mga magsasaka na magtungo lamang sa kanilang tanggapan kung mayroong hinaing at problema para agad nilang masulosyunan. Rey Velasco

Previous articleDetalye ng dayuhan na gumamit ng lehitimong PH passport, ibinulgar sa Senado
Next articleGinang at anak na dalaga, utas; suspek na jail officer nagbaril sa sarili