Home NATIONWIDE Detention ng 2 Chinese respondents sa Anson Que case, kinwestyon ng abogado

Detention ng 2 Chinese respondents sa Anson Que case, kinwestyon ng abogado

MANILA, Philippines – Kinwestyon ng isang abogado ang pagkulong sa dalawang Chinese national na iniimbestigahan sa pagkamatay ng Filipino-Chinese businessman na si Anson Que.

Ayon kay Atty. Freidrick Lu, ang kanyang dalawang kliyente na sina Yang Haohua at Yuan Fangquiang, ay unang iniulat na nawawala, ng kanilang mga pamilya.

Kalaunan ay napag-alaman na inaresto pala ang dalawa.

“Itong dalawang ito [These two], they were reported as missing by their families to the Chinese Embassy at ni-refer sa amin [were referred to us]. So sa process ng paghahanap namin doon namin nakita na nasa AKG sila,” sinabi ni Lu sa isang ambush interview.

Si Lu ay nasa Department of Justice para dumalo sa preliminary probe kaugnay sa kidnapping for ransom with homicide complaint na inihain sa ilang indibidwal.

Sina Yang at Yuan ay kabilang sa mga indibidwal na inirekomenda para sa preliminary investigation.

Ani Lu, ang dalawa ay tumanggap umano ng ransom money para i-turn over sa mga kidnapper.

Sa kabila nito, idinagdag ng mga awtoridad na sina Yang at Yuan ay nasa kustodiya ng Anti-Kidnapping Group dahil sa Immigration violations.

“Apart from the counter affidavit that we intend to file on the 8th of May, we also intend to file a writ of habeas corpus,” aniya.

“A petition for issuance of writ of habeas corpus because we are going to question why are they still being held right now. Kasi kung totoo nga na sila ay BI ‘yung charge nila, bakit nasa AKG pa rin sila?” dagdag pa.

Tumanggi namang magkomento ang AKG sa imbestigasyon. RNT/JGC