MANILA, Philippines – Isang nominee ng Bumbero partylist ang tinambangan at pinagbabaril sa Sampaloc, Maynila nitong hapon ng Lunes, Abril 28 –dalawang linggo bago ang nalalapit na national at local elections.
Sa iniyal na ulat, kinilala ang biktima na si dating chairman at nominado ng nabanggit na partylist na si Leninsky Bacud.
Nangyari ang pamamaril sa P. Guevarra Street sa Barangay 435 Zone 44 sa Sampaloc.
Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pamumuno ni District Director P/Brig. Gen. Benigno Guzman, nakita ng ilang saksi na nakasakay ng motorsiklo ang mga suspek.
Nakipag-barilan pa umano ang mga suspek sa mga pulis na rumesponde sa lugar.
Ang biktima na tinamaan ng bala sa itaas na bahagi ng dibdib ay naisugod pa sa ospital at sinubukang i-revive ng mga doktor ngunit ayon sa pinakahuling imporamsyon na nakarating kay Guzman ay binawian na rin ng buhay si Bacud.
Si Bacud ay ikalawang nominado ng Bumbero Partylist.
Ilang mga sasakyang nakaparada sa lugar ang nadamay din matapos tamaan ng mga bala sa gitna ng putukan.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa pamamagitan ng mga CCTV sa lugar at backtracking.
Ayon kay MPD spokesperson Major Philipp Ines, naglunsad na ng ‘hot pursuit” laban sa mga suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden