
SA umiigting na “tariff war” sa pagitan ng United States of America (USA) at China lalo na sa 90 na araw na suspensyon ng mga bagong taripa ni President Donald Trump, maaaring makinabang ang Pilipinas sa tinawag ng isang eksperto sa ekonomiya bilang “window of opportunity” upang makahikayat ng pandaigdigang pagmamanupaktura at pamumuhunan.
Ayon kay professor Ronilo Balbieran ng School of Economics ng University of Asia and the Pacific, maaaring magbigay nang pansamantalang tigil ng taripa ng puwesto sa Pilipinas bilang isang estratehikong alternatibo para sa mga kompanyang naghahanap ng bagong lokasyon para sa kanilang supply chain sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang pinakamalalaking ekonomiya ng mundo.
Inanunsyo kamakailan ni President Trump ang pansamantalang pagpapaliban ng mas mataas na taripa sa mga pangunahing trading partners ng bansa, kabilang ang Pilipinas.
Namumukod-tangi ang Pilipinas sa pagkakaroon ng mas mababang reciprocal tariff rate na 17 porsyento.
Samantala, ang mga kalapit na ekonomiya sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) gaya ng Cambodia, Vietnam, at Thailand ay may mas mataas na taripa, dahilan para maging mas kaakit-akit ang Pilipinas.
Inilarawan ni Balbieran ang “tariff war” bilang labanan ng mga dambuhalang global buyer na US at ang global seller na China. May 25 porsyento ng kabuuang gross domestic product (GDP) ng mundo ang USA, habang 20 porsyento naman ang China. Habang ang Pilipinas ay nasa pagitan.
Hindi tulad ng mga bansang malakas umasa sa kalakalan gaya ng Singapore na may “trade openness index” na higit sa 300 porsyento, mas mababa sa 60 porsyento ang sa Pilipinas, na higit na umaasa sa sariling ekonomiya.
Dahil dito, ayon kay Balbieran, may “insulation” ang Pilipinas laban sa direktang epekto ng sigalot at maaaring may positibong benepisyo pa.
Dahil malamang naituon ng China ang kalakalan nito sa India, ASEAN at Russia, iginiit ni Balbieran na dapat kumilos ang Pilipinas.
Binanggit niya ang mga bagong repormang pulitikal bilang mga positibong hakbang para sa mga mamumuhunan katulad ng inamyendahang Public Service Act, CREATE at CREATE MORE.
Pinayagan na ang 100 porsyentong foreign ownership sa mga sektor katulad ng telekomunikasyon, Paliparan at transportasyon. Habang sa CREATE at CREATE MORE ay pinalawak ang mga insentibong pangbuwis, lalo na para sa mga industriya na malaki ang konsumo sa kuryente.
Tinukoy ni Balbieran ang niyog bilang isa sa posibleng makinabang sa bagong estruktura ng taripa, lalo na sa harap ng kompetisyon laban sa mga produktong galing Thailand. Idinagdag niya na ang electronics at gadget components na kabilang na sa pangunahing eksport ng Pilipinas sa US ay maaari ring makinabang sa supply chain shift.
Payo ni Balbieran sa mga gumagawa ng polisiya na gamitin ang 90-araw na “window” na ito upang i-market ang Pilipinas bilang isang matatag, reform-oriented, at handang alternatibo sa China para sa mga mamumuhunan.