Home OPINION MGA PINEDA, ‘JACKPOT’ KAYA MULI?

MGA PINEDA, ‘JACKPOT’ KAYA MULI?

236
0

TULAD ng nangyari na sa Pasig City, pinatunayan ng political maverick na si Mayor Vico Sotto na hindi totoong walang makatitinag sa mga dynasty — at kayang mamayagpag ng tapat na pamumuno kapag ang pulitika ay napagtagumpayang maialis mula sa kamay ng mga angkan ng mga gahaman sa kapangyarihan.

Sa kabila ng mga hamon, ipinakita ni Sotto ang pamumunong nakasalalay sa transparency, husay, at tiwala ng publiko ay kayang-kayang tuldukan ang ilang dekada nang kontrol, at napatunayan ng Pasig sa buong bansa na posible ang tunay na pagbabago.

Pero sa Pampanga, sa loob ng maraming taon, ay nakakulong pa rin ang probinsya sa mistulang walang katapusang bulok na pulitika — nasa kontrol ng pamilyar na mga personalidad ng mga Pineda.

Karamihan sa mga Kapampangan ay nasanay na lang sa status quo ng pamumuno na nakabatay sa pangungunsinti — kundi man direktang pinoprotektahan ang jueteng, iba pang mga bisyo, korapsiyon, at kontrol sa pulitika.

Namanhid na lang marahil ang mga botante kaya hindi na naghahanap ng mas mabuting opsyon: tunay at tapat na pamumuno. Nakalimutan na ba nila na ang Kapitolyo ay hindi tulad ng sari-sari store na maaaring maipamana mula kay Nanay Pineda papunta kay Delta Pineda habang nakamasid at pumapalakpak ang asawang si Bong Pineda?

Sana naman ay sapat nang nabigyang-diin ng Firing Line na ang paparating na midterm election ay isang pagkakataon para pumili ang mga Kapampangan ng isang tunay na alternatibo — isang oportunidad upang wakasan na ang isang sistema na matagal nang tinatrato ang probinsya bilang casino ng pamilya.

Kandidato para gobernador si Danilo Baylon, dating alkalde ng Candaba at negosyante, mayroong malinis na track record at maliwanag na layunin para buhaying muli ang agrikultura at ibalik ang kagandahan ng kalikasan — kabilang ang planong buhayin muli ang Pampanga Bay.
Para sa bise gobernador, nariyan si ex-Governor Ed Panlilio — oo, si Among Ed, ang dating pari — na minsan nang tumalo sa mga Pineda at nais namang patunayan ngayon na ang isang may moralidad at makataong pamumuno ay hindi isang pangarap lamang. At sa San Fernando City, nag-aalok si Mayor Vilma Caluag ng isang bagong brand ng pulitika na nakatutok sa reporma, transparency, at pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan.

Hindi ito simpleng labanan lang ng pangalan. Isa itong laban para sa dignidad — patutunayang ang mamamayan ng Pampanga ay hindi tipong kuntento na sa kultura ng Small Town Lottery o STL, jueteng at iba pang mga iligal na aktibidad.

Panahon nang tuldukan ng Pampanga ang ideya na ang mga halal na opisyal ng lalawigan ay dapat na ituring na mga jackpot prize mula sa maliliit na taya sa mga botante — kung pera man, appliances, o ilang kilo ng bigas.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here