MANILA, Philippines – Kinasuhan na ng Department of Justice si dating presidential spokesperson Harry Roque kaugnay sa pagkakasangkot nito sa sinalakay na scam hub sa Porac, Pampanga.
Si Roque ay sinampahan ng qualified human trafficking sa Angeles City Regional Trial Court (RTC) sa Pampanga.
Kinasuhan din si Cassandra Ong at 48 iba pa na mga may-ari, opisyal at empleyado ng kumpanyang Whirlwind at Lucky South 99 Philippine Offshore Gaming Operator na inakusahan na nagpapatakbo ng scam farm na snagkot sa trafficking.
Sa resolusyon ng piskalya, isinagawa ang krimen ng malawakan na syndikato kung kaya pasok dito ang section 6 ng batas na isang non-bailable offense.
Iginiit ng DOJ na nakinabang umano si Roque sa pagsusulong nito na ma renew ang Internet Gaming License ng Lucky South 99.
“Roque knowingly facilitated or contributed to the activities for the purpose of organizing the trafficking or exploitation of workers,” nakasaad sa DOJ resolution.
Inamin noon ni Roque na naging abugado ito ng Whirlwind sa isang ejectment case.
Aminado rin si Roque na tinulungan nito si Ong sa pakikipagpulong sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) para sa renewal ng POGO license ng Lucky South ngunit ang lahat ng ito aniya ay hindi nangangahulugan na isang uri ng trafficking.
Si Roque ay kasalukuyan na nasa The Hague, Netherlands para sa kanyang asylum application. Iginigiit ni Roque na dumaranas siya ng political persecution sa administrasyong Marcos. TERESA TAVARES