
TILA tuloy-tuloy na ang ihip ng hangin at magkakaroon na ng pagbabago sa liderato kung ang usapin ay ang pwesto bilang kinatawan ng Las Piñas sa Mababang Kapulungan.
Bakit kamo? Anim na senatorial candidates lang naman ang maigting na sumusuporta sa kandidatura ni veteran Councilor Mark Anthony Santos na tila ‘destined’ na maging bagong “Representative” ng lungsod sa kabila ng kanyang mabigat na karibal, si outgoing Sen. Cynthia Villar, sa May 12 midterm elections.
Sumusuporta kay Santos, una si survey frontrunner at administration candidate Erwin Tulfo kasunod sina Makati Mayor Abby Binay at ex-Department of the Interior and Local Government secretary Benhur Abalos, na pareho ring senatorial aspirants ng Alyansang para sa Bagong Pilipinas.
Inabandona ng tatlong administration senatorial bets ang katunggali ni Santos na si Villar, ina ng administration candidate na si Rep. Camille Villar, na nahaharap sa reklamong vote buying incident sa Commission on Elections.
Sa ngayon, tanging si presidential sister at Sen. Imee Marcos lamang ang nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Sen. Cynthia.
Tama lang kasi miyembro ito (Marcos) ng Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ng pamilya Villar.
Si reelectionist Sen. Pia Cayetano, na manok din ng NP sa halalan, ay wala pang public announcement sa ngayon kung kanyang ie-endorso ang 75-anyos na senadora sa pagka-congresswoman.
Una rito, bumisita sa lungsod sina independent senatorial candidates Atty. Luke Espiritu at labor leader Leody de Guzman para ipakita ang kanilang pagsuporta sa kandidatura ni Santos, na isang labor leader bago maging elected councilor.
Nitong nakalipas na linggo, nagtungo rin sa city hall si independent senatorial candidate Ben Tulfo, na nasa Top 5 din sa lahat ng surveys at nakatatandang kapatid ni Erwin, para i-endorso si Santos at ang lahat ng kandidato ng Team Aguilar sa pangunguna ni Vice Mayor April Aguilar na kandidato sa pagka-alkalde.
Ayon sa senatorial aspirants, malaki ang tiwala nila sa kakayahan at sinseridad ni Santos para mamuno dahil sa kanyang karanasan bilang konsehal ng lungsod ng pitong termino na walang bahid ng korapsyon.
Nitong Abril, malaki ang itinaas sa independent surveys ni Santos at ng buong Team Aguilar matapos na kanilang ihayag sa barangay caucuses, house-to-house campaign ang kanilang makamahirap na programa sa lungsod.