Home HOME BANNER STORY DFA: Alert status sa Myanmar, Level 2 na lang

DFA: Alert status sa Myanmar, Level 2 na lang

MANILA, Philippines- Ibinaba ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level status sa Myanmar mula Alert Level 4 sa Alert Level 2, ayon sa ulat nitong Lunes.

Dahil dito, sinabi ng DFA na makababalik na ang overseas Filipino workers (OFWs) na may working visas sa Myanmar. Subalit, nilinaw ng DFA na wala pa ring deployment ng bagong OFWs sa bansa.

Sa ilalim ng Alert Level 2 o “restriction phase,” hindi pinapayagan ang deployment ng OFWs at tanging ang may umiiral na employment contracts lamang ang pinapayagang bumalik sa partikular na bansa.

Mayroong mahigit 400 OFWs sa Myanmar, base sa DFA.

Noong 2021, itinaas ng DFA ang Alert Level 4 sa Myanmar sa gitna ng kaguluhan dahil sa coup na ikinasa ng  military group.

Samantala, sinabi rin sa parehong ulat na inaayos na ng pamahalaan ang  pagpapauwi sa halos 20 undocumented Filipino workers na biktima ng human trafficking sa Myanmar. RNT/SA