MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes na gumugulong na ang imbestigasyon ng South Korean authorities sa Norwegian-flagged cargo vessel M/V Lunita na nasabat dahil sa kargang dalawang tonelada ng hinihinalang cocaine.
Kinumpirma ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose De Vega na pinangangasiwaan ng Filipino crew ang barko nang salakayin ito.
Aniya, ang crew members ay hindi nakaditine at sakay ng vessel subalit iniimbestigahan ng mga awtoridad.
“The South Koreans are still investigating —if may determination of probable cause that it’s their responsibility (that) they were trafficking drugs then they’ll be charged most probably detained,” aniya.
“Right now, they are not detained, they are on board as of now.”
Ang M/V Lunita ay nasa Okgye Port sa Gangneung sa lalawigan ng Gangwon nang magsagawa ang Korea Customs Service at Korea Coast Guard ng joint raid noong April 2, batay sa impormasyon mula sa US Federal Bureau of Investigation.
Batay sa lokal na ulat, nadiskubre ng South Korean authorities ang vessel na may kargang 57 kahon ng hinihinalang cocaine.
Inihayag ni De Vega na nagbigay na ang ship owner sa Filipino crew members ng abogado subalit nanindigan ang DFA na handa itong magbigay ng legal assistance sakaling ipag-utos ito ng pangunahing ahensya na humahawak sa kaso, ang Department of Migrant Workers (DMW).
Aniya, kasalukuyang naghihintay ang DFA ng official report ng Philippines Embassies sa Seoul at Oslo. RNT/SA