Home NATIONWIDE Hirit ng OCD: ‘No shortcuts’ sa konstruksyon ng mga proyekto bilang paghahanda...

Hirit ng OCD: ‘No shortcuts’ sa konstruksyon ng mga proyekto bilang paghahanda para sa ‘The Big One’

MANILA, Philippines- Wala dapat ‘shortcuts’ sa konstruksyon o pagtatayo ng mga bahay, gusali, condominiums, tanggapan, hotels, at tulay habang ang Pilipinas ay naghahanda para sa ‘The Big One.’

Binigyang-diin ng Office of Civil Defense (OCD) ang kahalagahan ng pagtatayo ng earthquake-resistant buildings at mga tulay dahil ipinagpapalagay na may 500,000 istraktura ang maaaring gumuho kung ang “The Big One”– inaasahang major earthquake ay maging kasing lakas ng Magnitude 7.2 na tatama sa bansa.

Sa earthquake preparedness summit, sinabi ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na ang engineering solutions na ‘proactive at preventive’ ay ‘first line of defense’ ng bansa kung sakaling magkaroon ng malakas na lindol sa lalong madaling panahon.

“The structures should be able to withstand at least an 8.5 magnitude earthquake, at least,” ang sinabi ni Nepomuceno.

Aniya, may ilang indibidwal ang naghahanda na para sa Magnitude 10 earthquakes.

Nagdaos ang OCD ng two-day summit kasunod ng magnitude 7.7 earthquake na tumama sa Myanmar noong March 28, dahilan ng pagkasawi ng 3,000 indibidwal at pagkawasak ng daan-daang bahay, templo at gusali.

Habang ang bansa ay naghahanda para sa isang potensyal na malakas na paglindol, maliban sa basic na “duck, cover, and hold” procedure, inamin ni Nepomuceno na ang bansa ay malayo sa paggawa ng istraktura na maaaring lumaban sa major earthquakes.

“We have yet to finish a complete structural integrity audit, especially of the critical structures—hospitals, mga headquarters, municipal halls, telcos, power plants,” ang sinabi ni Nepomuceno.

Aniya pa, kailangang tumulong at kumilos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang ang local government units (LGUs) ay mapilitan na mahigpit na sumunod pagdating sa tamang konstrusyon o pagtatayo ng gusali.

Samantala, sinabi naman ni Nepomuceno na kailangan na regular na iniinspeksyon ng propesyonal o dalubhasa ang mga istraktura na naitayo na.

Sinasabing ang The Big One ay maaaring pumatay ng 50,000 indibidwal at magresulta sa pagkasugat ng 162,000 iba pa.

Maaari rin nitong i-dislocate ang 46 milyong katao na ang bahay ay maaaring maapektuhan. Kris Jose