Home NATIONWIDE DFA nagsagawa ng diplomatikong hakbang sa karapatan sa WPS

DFA nagsagawa ng diplomatikong hakbang sa karapatan sa WPS

1
0

MANILA, Philippines – Muling iginiit ng pamahalaan ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea matapos magsagawa ng diplomatikong hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng natuklasang umano’y iligal na lumulutang na istruktura sa Bajo de Masinloc.

Sa pahayag nitong Martes, sinabi ng DFA na nakipag-ugnayan na ito sa gobyerno ng China upang tutulan ang presensya ng nasabing istruktura sa loob ng pinag-aagawang bahura.

Binigyang-diin ng kagawaran na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang pangangalaga sa soberanya, sovereign rights, at hurisdiksiyon ng bansa sa mga teritoryong sakop nito sa ilalim ng internasyonal na batas.

Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), nakumpirma sa isinagawang aerial surveillance ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang presensya ng isang 6-by-6 metrong floating structure na may nakakabit na tila antenna. Lumabas din sa pinakahuling mga larawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may mga taong nakatalaga sa nasabing plataporma.

Patuloy namang mino-monitor ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lugar at nakitang nananatili ang istruktura sa loob ng Bajo de Masinloc habang may mga indibidwal na sakay nito. Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang NTF-WPS sa iba’t ibang ahensiya upang matukoy ang layunin, gamit, at posibleng epekto ng naturang instalasyon sa interes ng Pilipinas sa karagatan.

Muling iginiit ng task force na ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at saklaw ng maritime zones ng bansa ayon sa internasyonal na batas. Nanindigan din ang gobyerno sa pagsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here