MANILA, Philippines – PINAYUHAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang undocumented at overstaying Filipino sa Estados Unidos na manatiling “low profile” at gawing legal ang kanilang pamamalagi habang pinahihigpit ng administrasyong Trump ang kanilang mga immigration policy.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose De Vega na nakahanda ang DFA na ipaabot ang tulong nito sa mga Filipino na magpapasaklolo sa Philippine Embassy o mga konsulado sa Estados Unidos.
“Our advice is to keep a low profile as possible and work for your legalization,” ayon kay De Vega.
Aniya pa, sinabi ni President Donald Trump na maaari siyang makipagtulungan sa Democrats ukol sa illegal aliens na hindi babagsak sa ilalim ng mga kategoryang illegal immigrants na target ng mga ito na i-deport, gaya ng mga kriminal at terorista.
“That means they will make legal means to encourage these productive overstaying aliens to be totally legalized. So, take advantage of that,”ang sinabi pa ni De Vega.
Winika pa nito na ang lahat ng mga pinoy, maging kung ito ay undocumented, bumiyahe sa Estados Unidos, ay may hawak na visa.
“Lahat iyan may visa. Nag-expire lang. Walang halos tumawid na walang kapapel-papel,” ani De Vega.
Kaya nga, halos imposible na ang tinatayang 300,000 Filipino na walang legal status sa Estados Unidos ay ide- deport sa pagtatapos ng administrasyon ni Trump.
“If you are targeted for deportation, you have legal means also to contest your deportation and at least legally stay for several months,” anito sabay sabing “Some immigration lawyers could argue that you are doing something productive in the US. And sometimes, it’s a success, it prevents deportation.”
Matatandaang, sa unang Trump presidency, sinabi ni De Vega na “only a few hundred or less” undocumented Filipino kada buwan ang idine-deport ng Estados Unidos, mas mababa sa bilang sa panahon ng Obama administration.
“Tingnan natin, kunwari bigla lang in six months may 20,000 na-deport o 10,000, then umakyat talaga. Huwag tayo mag-conclude until makita natin iyong data in six to eight months kung dadami ang made-deport,” aniya pa rin.
Muli namang inulit nito na handa ang gobyerno ng Pilipinas na tugunan ang epekto sa mga filipino ng planong mass deportation.
Madali naman aniya sa gobyerno na gamitin ang DFA Assistance-to-Nationals fund.Nandiyan din aniya ang Department of Migrant
Workers’ Aksyon (Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan) Fund, gagamitin para sa legal, medical, financial at iba pang uri ng tulong para sa overseas Filipino workers, gaya ng ‘repatriation ay intervention’ para protektahan ang karapatan ng mga mamamayan.
“The President talked to President Trump and our ambassador has assured them that they’ll give them the assistance,” ang sinabi ni De Vega. Kris Jose