RIZAL – Ligtas na nasagip ng pulisya ang isang isang-taong gulang na bata matapos itong gawing hostage ng sariling ama noong gabi ng Sabado, Enero 25, sa C6 Road sa Taytay, Rizal.
Ang suspek, na may dalang patalim, ay sumuko matapos ang negosasyon na pinangunahan ng Rizal Police Provincial Office, Taytay Police, at mga lokal na opisyal.
Ayon sa mga awtoridad, ang insidente ay nag-ugat sa mga alegasyon ng panggagahasa laban sa suspek na kinasasangkutan ng kanyang stepdaughter.
Pinuri ni Taytay Mayor Allan De Leon ang mabilis at maingat na aksyon ng pulisya na nagbigay-daan sa ligtas na pagtatapos ng insidente.
Ang bata ay nasa pangangalaga na ngayon ng mga kamag-anak, habang ang suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at mahaharap sa mga kaso ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act, alarms and scandal, at illegal possession ng patalim. RNT