Mahigpit na minomonitor ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat tungkol sa posibleng pag-freeze ng tulong pinansyal ng Estados Unidos, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Sabado. Sinabi ng DFA na makikipagtulungan ito sa US Department of State upang alamin ang magiging epekto nito sa Pilipinas.
Ang pag-freeze ng US foreign aid, na epektibo kaagad, ay bunsod ng 90-araw na pagsusuri na iniutos ni Pangulong Donald Trump upang masiguro na ang tulong ay naaayon sa kanyang patakarang panlabas.
Ayon sa memo na nilagdaan ni US Secretary of State Marco Rubio, walang bagong obligasyon para sa foreign assistance ang papayagan habang hindi pa natatapos ang pagsusuri.
Ang Estados Unidos ang pinakamalaking donor ng tulong pandaigdig at nagbigay ng $72 bilyon na tulong noong fiscal year 2023.
Matapos ang inagurasyon ni Trump bilang ika-47 na pangulo ng US, nakipagpulong si DFA Secretary Enrique Manalo kay Rubio upang talakayin ang kahalagahan ng alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Pinagtibay ng dalawang panig ang kanilang layuning palakasin ang ugnayang pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkultura. Napag-usapan din ang posibilidad ng isang pulong sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangulong Donald Trump sa hinaharap. RNT