Home NATIONWIDE ‘Di ako magre-resign, nilagay ako ng 32 milyong Pinoy dito – VP...

‘Di ako magre-resign, nilagay ako ng 32 milyong Pinoy dito – VP Sara

MANILA, Philippines – Hindi magbibitiw sa kanyang puwesto si Bise Presidente Sara Duterte bilang pangalawang pinakamataas na nahalal na opisyal ng bansa sa gitna ng mga panawagan sa kanya na gawin ito matapos niyang laktawan ang mga deliberasyon sa Kamara ng mga Kinatawan sa panukalang P2-bilyong budget sa 2025 ng Office of the Vice President.

“Hindi ako aalis dito dahil inilagay ako ng mga tao dito believing that I will work for the country. Iyon ang ginawa namin. We worked,” sabi ni Duterte sa mga miyembro ng media.

Pinuna ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon nitong Martes si Duterte sa hindi pagdalo sa mga debate sa plenaryo para sa panukalang paggastos ng OVP para sa 2025.

“Kung hindi na po siya interesado sa kanya pong duties and functions as the vice president, we can ask the vice president to step down,” ani House Assistant Majority Leader Jil Bongalon.

Sinabi ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez ng Quezon na taliwas sa kanyang mandato ang pagliban ni Duterte sa mga budget hearing.

Bilang tugon, sinabi ni Duterte na ayaw niyang tumugon sa mga nakababatang mambabatas sa Kamara.

“Hindi naman kasi ako sasagot sa young guns dahil kailangan ko sumagot sa 32 million na bumoto sa akin, hindi sa isa or dalawa na tao,” dagdag pa ni Duterte. RNT