Home NATIONWIDE ‘Di magkakatugmang impormasyon nakita sa SALN ni Guo

‘Di magkakatugmang impormasyon nakita sa SALN ni Guo

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines – Ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay naglalaman ng hindi pagkakatugma ng mga detalye sa kanyang mga idineklara na ari-arian, iniulat ni Mav Gonzales noong Miyerkules sa “24 Oras.”

Nakasaad sa resulta ng pananaliksik ng GMA Integrated News Research, idineklara ni Guo ang kanyang mga asset na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P429 milyon sa kanyang SALN noong Hunyo 30, 2022.

Gayunpaman, ang isang inamyenda na kopya ng dokumento na inisyu noong Hulyo 1, 2022, ay bumaba ang kanyang net worth at idineklara na lang ito na P286 milyon.

Mula sa siyam na property, inalis ni Guo ang tatlong real estate property kabilang ang isang kumpanya sa ilalim ng kanyang pangalan. Pinutol din sa listahan ng kanyang mga personal na ari-arian ang club shares at deposito para sa land acquisition na nagkakahalaga ng P138 milyon.

Ipinakita ng SALN ni Guo noong Disyembre 31, 2022 na ibinalik niya ang kanyang P138 milyong deposito, mga share sa club, at anim na real estate property.

Nagsagawa ng executive session kanina ang Senate committee on women and children para talakayin ang mga isyu sa pambansang seguridad na nauugnay sa umano’y ilegal na aktibidad ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firms sa bansa kabilang ang human trafficking at cyber fraud.

Si Guo, na nasa gitna ng imbestigasyon sa umano’y pagkakaugnay niya sa isang ni-raid na POGO firm sa Bamban, ay hindi inimbitahan. RNT