Home OPINION ‘DI PA NAG-IINIT SA PUWESTO, SINISIRA NA SI GEN. MARBIL

‘DI PA NAG-IINIT SA PUWESTO, SINISIRA NA SI GEN. MARBIL

TILA ayaw bigyan ng pagkakataong maisakatuparan ni bagong talagang  Philippine National  Police chief P/Gen Rommel Marbil ang  balaking reporma at pagbabago sa police organization.

Dahil ilang araw pa lamang na naa-appoint ay kinakaladkad na ng mga “hudas” na police at civilian scalawag ang pangalan ng heneral sa ‘tong transactions’.

Sa talumpati sa unang pagdalo sa flag raising ceremony ilang araw matapos matalagang PNP chief, binigyang diin ni Marbil  ang kahalagahan ng disiplina at serbisyong tunay na dapat ipamalas ng mga pulis.

“Sa pagising natin sa umaga, binibigyan tayo ng dalawang regalo ng ating Panginoon – Choice and Chance. Choice to do good and a Chance to make a difference,” anang bagong hepe ng PNP.

“Dito sa bagong pamumuno sa ating pulisya, let us make a big difference in people’s life. ‘Yun lang po ang gusto ko. Let us give them the best service,” giit pa ng heneral na tubong Tarlac.

Paliwanag pa ni Marbil, binabantayan ng taumbayan ang serbisyo ng mga pulis, kaya kailangang ibigay ang tama bukod pa sa dapat sundin ang tama.

“Let us not go astray. ‘Yun lang po ang pinakaimportante,” paalala pa ni PNP chief.

“Isipin n’yo ang trabaho po natin. Let us give our community the best public service. Let us make them safe sa pagtulog nila at paglabas nila ng kanilang tahanan. Ang sabi ko nga, sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng Pulis, Ligtas ang lahat,” dagdag pa ni Marbil.

Pero hindi pa man nag-iinit ang puwet  sa  upuan sa kanyang tanggapan sa Camp Crame, ay ipinupusta na ang pangalan ni Marbil sa mga “lord” ng ilang indibidwal na  may kaugnayan sa mga iligalista.

Dalawang kilalang may master’s degree sa “tong collection” na kinilalang sina alias “Germar” at alias “Bebet” ang umano’y nagtatawag na sa mga “lord” sa illegal gambling, paihi at POGO dahil sila umano ang kinuhang “bagman” ng kauupong PNP chief.

Kapag nagkataon, matutulad din si Marbil sa maraming lumipas na hepe ng Pambansang Pulisya na lumigwak ang liderato dahil hindi natugunan ang lords “unholy alliance” na dahilan kaya palpak ang PNP sa paningin ng taumbayan.