Home OPINION KASO NG “SEVERE PERTUSSIS”, SAGOT NG PHILHEALTH

KASO NG “SEVERE PERTUSSIS”, SAGOT NG PHILHEALTH

Nagdeklara na ng pertussis outbreak ang Sangguniang Panlungsod ng Iloilo matapos makapagtala ng pitong kaso sa tatlong Distrito noong ika- 25 ng Marso 2024.

Tig-tatlong kaso sa distrito ng Jaro at Molo at isa naman sa Arevalo.

Kasunod nito mas pinaigting ng City Health Office ang pagsuyod sa active cases at pag-uulat sa loob ng 24 oras. Gayundin agarang isasagawa ang contact tra­cing, pagbili ng gamot at bakuna at pati na rin swab kits at iba pang personal protective equipment.

Mariin namang ipinunto ni City Health Office Assistant Department Head Dr. Roland Jay Fortuna na mahalagang mabigyan ng complete primary series ang mga batang edad anim na linggo hanggang 12 buwan.

Samantala, inaasahan na rin ang nalalapit na dek­larasyon ng state of calamity ayon sa pamunuan. Ito ang magbibigay-hudyat na maaaring gamitin ang mahigit PHP16.6 milyon mula sa quick response fund ng pamahalaang lungsod, kung saan ang bahagi nito at maaaring ipangbili ng mga gamot at bakuna.

Ayon kay PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation President and Chief Executive Officer (PCEO) Emmanuel Ledesma, Jr., hanggang Php90,100 ang maaaring makuha ng isang pasyente na kinakailangang madala sa ospital dulot ng pertussis o whooping cough.

Pero paliwanag niya ito ay para sa magiging pneumonia cases lamang, ang regular rate para sa pertussis patients ay mula Php13,780.00 hanggang Php19,500, para sa hospital expenses at professional fees.

Ginagampanan lamang umano ng PHILHEALTH ang mandato nito sa ilalim ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care for All Filipinos.

Paalala pa ng health insurance corporation, ang sinomang Filipino, nagbabayad man ng buwanang kontribusyon o hindi ay awtomatikong enrolled sa National Health Insurance Program na nasa panga­ngasiwa ng PHILHEALTH, ibig sabihin, immediate ang aplikasyon nito sa nangangailangan ng medikal na tulong.

Kung nakararanas umano ng mga sintomas ng pertussis katulad ng katamtamang lagnat, pag-ubo, at panlalamig, kaagad na magtungo sa ospital at gamitin ang PHILHEALTH KONSULTA package o ang “Konsultasyong Sulit at Tama”.

Kabilang sa pakete ng KONSULTA ang free consultation, piling laboratory and diagnostic tests, at libreng gamot base sa preskripsyon ng Doktor.

Para magamit ang pakete, kailangang magparehistro sa PHILHEALTH KONSULTA na ngayon ay nasa 216 health care institutions na.

Sinabi na ng DOH o Department of Health na nagagamot ng antibiotics ang pertussis at pinayuhan ang mga magulang na pabakunahan sa mga health center ang mga bata kontra sa karamdaman.

Sa datos ng DOH, nasa 862 na ang kabuuang kasong naitala sa buong bansa simula January 2024 kung saan ay nasa 49 na ang namamatay.

Nagdeklara ng outbreak sa Quezon City, Iloilo City at sa lalawigan ng Cavite dahil sa tumataas na kaso ng pertussis.