IBINABALITA na hindi na umano bubuksan muli ng Senado sa ilalim ni Senate President Win Gatchalian, partikular ng Senate Blue Ribbon Committee, ang imbestigasyon sa kikbakan sa flood control program na nagkakahalaga ng P1.3-P1.7 trilyon.
Kung totoo ito, isa itong panghuhudas na mas masahol sa paghuhudas ng mga senador sa kanilang mga kasamahan sa agawan sa liderato sa Senado.
Mas masahol dahil mismong sambayanan na ang pinagtataksilan ng mga senador na ayaw nang mag-imbestiga.
Kung bakit pinagtataksilan ang sambayanan ay dahil pera ng mga ito ang pinagnanakaw ng mga korap, kabilang ang ilang nasa Senado at maraming kongresman, batay sa mga saksi, kabilang na ang mga dating sundalo, Curlee Discaya at iba pa.
Kapag ganap na pagtakpan ang dambuhalang korapsyon sa hindi pagtawag sa mga dating sundalo, kay Discaya at iba pa, na may aktuwal na nalalaman sa kikbakan/korapsyon, dito na rin mawawala ang dangal ng Senado sa mata ng sambayanan.
Magiging katulad na ang Senado ng Kamara na ganap nang nagsara ng pintuan sa katotohanan sa korapsyon na mismong ang Pangulo ang naglantad sa isang State of the Nation Address, bagaman sa kalaunan, ay isinasangkot din ito bilang isa sa masterminds.
Hindi naman pwedeng ipaubaya na lang ang lahat ng imbestigasyon, halimbawa, sa Office of the Ombudsman (OMB), dahil may pagdududa at marami ang hindi nagtitiwala ngayon sa pagganap nito sa tungkulin bilang isang independiyenteng ahensya ng gobyerno.
Kailangan pang patunayan ng OMB na wala itong kinikilingan at inuurungan.
Ang malaking bentahe ng imbestigasyon sa Senado ay bukas sa publiko ang pagdinig at nalalaman ng sambayanan ang buong katotohanan at kasinungalingan sa saktong oras at magkakaroon sila ng partisipasyon at kaukulang pagkilos, kasama ang Senado, sa tamang panahon.






