MARAMI ang nagtatanong ngayon: ano na ang nangyari sa mga kasong plunder na dati nang inanunsyo na inihahanda laban kina Senador Chiz Escudero at Senador Joel Villanueva?
Noong hindi pa umano nagbabago ang kanilang pampulitikang posisyon, naging laman ng balita ang posibilidad ng pagsasampa ng mabibigat na kaso laban sa dalawang senador. Malinaw na naiparating noon sa publiko na may mga reklamong sinusuri at may mga kasong inihahanda. Ngunit ngayon, tila nagbago ang ihip ng hangin.
Nagbago dahil sumakabilang bakod na ang dalawang senador na mula sa kampo ni Senador Alan Peter Cayetano patungo sa kampo ni Senador Win Gatchalian at sa mga grupong malapit sa administrasyon, marami ang nakapansin sa tila nakabibinging katahimikan ng mga kinauukulang ahensya.
Sa halip na ang mga naunang alegasyon laban kina Escudero at Villanueva ang mabigyang-linaw, mas madalas pang marinig ang usapin tungkol sa mga kasong maaaring ihain laban kay Senador Rodante Marcoleta. Dahil dito, hindi maiwasang magkaroon ng hinala ang ilan na tila may kakaibang kapangyarihan ang paglipat ng kampo sa pulitika.
Tila parang sabon ang paglipat sa grupo ng administrasyon—kapag nakalipat na, biglang naglalaho o “nalilinis” ang mga kasong dati ay mabigat na usapin.
Ang tanong ng publiko: tuluyan na bang mababaon sa limot ang mga kasong plunder na minsang ibinandera bilang seryosong isyu? O baka naman mauwi na lamang ito sa mas magaang kaso upang magkaroon ng pagkakataong makapagpiyansa ang mga nasasangkot? Kung mangyayari iyon, mahihirapan ang taumbayan na hindi magtanong kung may naganap bang kompromiso o pulitikal na pag-aareglo sa likod ng mga pangyayari.
Ngunit may paalala rin ang pulitika: walang permanente rito kundi ang pagbabago. Kung sakaling dumating ang panahon na ang susunod na pangulo ng bansa ay hindi na kaalyado ng kasalukuyang administrasyon, posible pa ring mabuhay at maungkat muli ang mga kasong matagal nang natutulog sa mga opisina ng gobyerno.
Kaya naman mahalagang bantayan ng mamamayan ang usaping ito. Ang hustisya ay hindi dapat nakadepende sa kulay ng pulitika, sa lakas ng padrino, o sa kung sino ang kakampi ng administrasyon. Kung may ebidensya, magsampa ng kaso. Kung wala, ibasura ito. Ngunit ang pinakamasama ay ang paggamit sa batas bilang sandata laban sa kalaban at panangga para sa kaibigan.
Sapagkat sa dulo ng lahat, ang tunay na hukom ay hindi lamang ang korte kundi ang taumbayang patuloy na nagmamasid at naghihintay ng pananagutan mula sa kanilang mga pinuno.






