NAKABABAHALA ang sunod-sunod na mga aksidente sa kalsada na nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga nakaraan. Mula sa mga banggaan ng bus, truck, motorsiklo, at pribadong sasakyan hanggang sa mga trahedyang nagdudulot ng pagkamatay at matinding pinsala, malinaw ang seryoso at matinding pangangailangan sa usaping road safety para sa publiko.
Patunay ang isang aksidente nito lamang June 15 na kinasasangkutan ng isang dump truck dahil sa pagkakabangga nito sa isang senior citizen na tumatawid sa kanto ng Commonwealth Avenue at Soliven St. sa Quezon City. Dahil sa tindi ng injury, binawian ng buhay ang matanda.
Hindi rin nakaligtas sa kamatayan ang isang motorcycle rider at angkas nito nang mabangga ng isang off-road pick up truck sa Cebu City noong June 13. Gayundin ang nangyari sa isang lola sa kaparehong siyudad dahil sa pagkakabangga ng isang private car noong June 12.
Ayon sa Department of Health, mahigit 1,384 road crash injuries ang naitala sa panahon ng nakaraang holiday season, mahigit doble kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Nakaaalarma rin na pito sa bawat sampung kaso ay may kinalaman sa motorsiklo, habang karamihan sa mga nasawi ay hindi nagsusuot ng tamang safety gear tulad ng helmet.
Mas malawak pa rito ang problema. Tinatayang nasa 12,000 Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa road crashes. Noong 2024 lamang, mahigit 31,000 aksidente sa kalsada ang naitala ng mga awtoridad. Mula 7,938 na pagkamatay noong 2011, umakyat ito sa mahigit 11,000 pagsapit ng 2021.
Hindi lamang kapabayaan ng drayber ang dahilan ng mga aksidente. Kabilang din dito ang unsafe acts tulad ng overspeeding, pagmamaneho nang pagod o nakainom. Contributor din ang unsafe conditions tulad ng kakulangan sa maintenance ng sasakyan, mahinang pagpapatupad ng batas-trapiko, obstructions at sira-sirang kalsada. Sa ilang kamakailang ulat, tumaas pa ng 26% ang bilang ng mga nasawi sa road crashes sa Cebu ngayong 2026 kahit bumaba ang kabuuang bilang ng mga aksidente.
Ang mga numerong ito ay paalala na ang kaligtasan sa kalsada ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng bawat motorista, pasahero, pedestrian, at operator ng sasakyan. Kailangang paigtingin ang road safety education, vehicle inspection, at traffic law enforcement. Kailangang manaig ang katapatan, disiplina at pag-iingat sa bawat travel sa lahat ng oras.






