MANILA, Philippines- Inilahad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Biyernes na nangangalap umano ang hinihinalang Chinese companies na nagpapanggap na American o European enterprises, ng aktibo at mga dating miyembro ng Philippine military.
Sa isang panayam, sinabi ni DICT Undersecretary for Cybersecurity and Upskilling Jeffrey Ian Dy na inaalok ng mga kompanya ang kanilang target Filipino recruits ng part-time jobs bilang analysts online.
“Sasabihin nila they came from Western [countries, that] they are organizations from parang European or American,” pahayag ni Dy.
“Pero kapag tinignan mo, meron kasing facility sa internet na ang tawag WHOIS para malaman mo kung kanino registered yung mga domain name, ‘yung pangalan ng website, makikita mo na naka-register sila mga companies na Chinese companies,” dagdag niya.
Alok din ang daan-daang dolyar kada oras para sa mga trabaho, base kay Dy.
Unang na-monitor ng DICT ang online recruitment ng mga kompanyang ito noong December 2023.
Dahil kinasasangkutan ng militar ang isyu, sinabi ni Dy na ipinagbigay-alam ng DICT sa Department of National Defense (DND) at sa intelligence sector ang usapin.
Kinalos na rin umano ang Facebook account ng isa sa concerned websites, batay kay Dy.
Hindi pa nakakausap ng DICT ang sangkot na Chinese companies, dagdag ng opisyal.
“Ang advice na lang namin siguro, siyempre, mag-ingat na lang din ‘yung ating mga military personnel na puwedeng masilaw na mag-apply,” wika ni Dy. RNT/SA