MANILA, Philippines – Pumayag ang Meta na babaan ang visibility sa Facebook ng mga post na idineklara ng gobyerno bilang fake news, ayon kay DICT Secretary Henry Aguda sa pagdinig ng Kamara.
Ibig sabihin, hindi ito buburahin ngunit hindi rin gaanong makikita sa newsfeed.
“Pumapayag na sila ngayon na kapag CICC o PCO o any duly authorized agency ng gobyerno, kapag nagpadala kami sa kanila na ito po, fake news ‘to, they will demote in their feeds,” ani Aguda. “Meaning, hindi naman totally mawawala pero mababawasan. Malaking bagay po ‘yun. And we acknowledge na sumagot is Meta,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Aguda na pumayag na rin ang Kumu, Google, at TikTok na makipagtulungan.
Kasama si PCO Secretary Jay Ruiz, iginiit nila na dapat patawan ng parusa ang mga social media platforms na nagpapahintulot ng fake news.
“As a social media platform, dapat lahat ‘yan…dapat nalilinis mo ‘yan. With the advent of new technology, deep fakes, artificial internet intelligence, and fake news spread like wildfire. It will reach hundreds of millions in just hours,” ayon kay Ruiz.
May panukala ring buwagin ang self-regulation ng social media at palitan ito ng gobyernong regulasyon.
Gayunman, nagbabala si Rep. Geraldine Roman na baka ito ay magmukhang sensorship at labag sa karapatang magpahayag.
“The establishment of a government watchdog agency over content creation reeks of censorship, and such a law may be questioned before the Supreme Court and, by default, be deemed as unconstitutional because we are dealing with a basic right, which is the freedom of speech,” ani Roman.
Gumagawa na rin umano ang DICT ng AI system laban sa fake news, at bubuo ng inter-agency task force para sa fact-checking. RNT