Home NATIONWIDE DICT pabor sa pag-regulate ng Tiktok sa Pinas

DICT pabor sa pag-regulate ng Tiktok sa Pinas

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na bukas ito sa pag-regulate ng social media platform na TikTok, gayundin sa iba pang mga application na posibleng magamit para sa mga ilegal na aktibidad.

Ginawa ni DICT Undersecretary Jeffrey Dy ang pahayag kasunod ng paghahain ng panukalang batas sa House of Representatives na naglalayong ipagbawal ang mga application na “foreign adversary-controlled” sa Pilipinas tulad ng TikTok.

Gayunpaman, sinabi ni Dy na ang mga naturang aplikasyon na posibleng magamit para sa pag-espiya, ay dapat na i-regulate muna at ang pagbabawal sa mga ito ay maaaring dumating sa ibang pagkakataon, kung kinakailangan.

“We welcome the passage of laws that would allow the President of the Republic to control or regulate applications which is being used for such purposes,” sabi ng opisyal ng DICT sa panayam sa radyo.

Bukod sa TikTok, ibinunyag ni Dy na sinusubaybayan din ng DICT ang messaging app na Telegram dahil ginagamit umano ito para mag-leak ng database information mula sa mga na-hack na website ng gobyerno.

Nabanggit din niya na ang Facebook ay ginagamit din ngayon upang magbenta ng kahit na mga bagong silang na sanggol, na binanggit ang mga ulat ng isang linggong gulang na sanggol na ibinebenta sa halagang P90,000.

Sinabi pa niya na ang DICT ay kasalukuyang may magandang relasyon sa mga social media platform at ang tanging magagawa lamang ng ahensya sa ngayon ay umapela sa mga platform na ito upang matiyak na hindi ito ginagamit sa mga ilegal na aktibidad.

“Pero actually, it doesn’t deny the fact na nakikiusap tayo. Hindi kami nagre-regulate. Kailangan talaga natin ‘to,” ani Dy.

“Siyempre kung i-regulate mo sila at hindi ka nila susundin, then the next step or the maximum step is to ban. Doon talaga mapupunta ‘yun kapag hindi ka sumusunod,” aniya pa.

Ang House Bill 10489, na inihain ni House Deputy Majority Leader Bienvenido Abante ng Maynila, ay naglalayong ipagbawal ang mga app store at internet hosting services sa pamamahagi, pagpapanatili, o pag-update ng isang “foreign adversary-controlled” application.

Sinasabi ng Abante na ang pangunahing kumpanya ng TikTok, ang ByteDance, ay “nagpapakita ng koneksyon sa Chinese Communist Party (CCP) at sa gobyerno ng China na hindi maaaring palampasin.” RNT