MANILA, Philippines – Posibleng makaranas ng malaking bawas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo matapos ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng inisyal na kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Batay sa unang apat na araw ng kalakalan sa world market, inaasahang bababa ng P10 kada litro ang diesel, P6 kada litro ang gasolina, at P10.70 kada litro ang kerosene.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang inaasahang rollback ay bunsod ng pagluwag ng pangamba sa suplay ng langis sa pandaigdigang merkado matapos ang pag-anunsyo ng paunang peace deal sa pagitan ng US at Iran.
Sinabi ni DOE Undersecretary Rino Abad na maaaring bumaba sa P70 hanggang P80 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo kapag naipatupad ang inaasahang bawas-presyo.
Gayunman, tiniyak ng DOE na patuloy nitong babantayan ang galaw ng presyo ng langis, sa pag-asang maibalik ang pump prices sa antas na P50 hanggang P60 kada litro bago sumiklab ang krisis. Dave Baluyot