MANILA, Philippines – Nasa ilalim ng yellow alert ang Visayas grid mula alas-2 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi ngayong Biyernes dahil sa manipis na reserba ng kuryente bunsod ng pagkawala ng operasyon ng ilang malalaking planta.
Ayon sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), bumaba sa ibaba ng kinakailangang contingency requirement ang operating margin ng grid dahil hindi pa rin gumagana ang Units 1 at 2 ng Therma Visayas, Inc. (TVI), Unit 3 ng Panay Energy Development Corp. (PEDC), at Unit 1 ng KEPCO-SPC Power Corp. (KSPC).
Nasa 2,523 megawatts (MW) ang available capacity ng Visayas grid habang inaasahang aabot sa 2,476 MW ang peak demand.
Sinabi ng NGCP na 13 planta ng kuryente sa Visayas ang kasalukuyang nasa forced outage ngayong buwan. Mayroon ding walong planta na hindi pa bumabalik sa operasyon mula pa noong Mayo, isa mula Marso, tatlo mula 2025, dalawa mula 2024, dalawa mula 2023, at isa mula pa noong 2021.
Bukod dito, 13 pang planta ang tumatakbo sa reduced o derated capacity, na nagresulta sa pagkawala ng 995.7 MW na suplay ng kuryente sa grid.
Ayon sa Department of Energy, nagsasagawa na ng mga hakbang upang madagdagan ang suplay ng kuryente, kabilang ang pagkuha ng karagdagang kapasidad mula sa mga pribadong power generator at power barges. Mary Anne Sapico