MANILA, Philippines – Pinapabilis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang digitalization ng kanilang mga programa at sistema sa 2026, kabilang ang automated Crisis Intervention Management System.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, layunin ng bagong sistema na masubaybayan ang real-time client data, mabawasan ang duplicate records, at awtomatikong matukoy kung ang kliyente ay nakatanggap na ng tulong mula sa iba’t ibang tanggapan ng DSWD.
Aniya, “Dahil diyan, maiimprove natin yung monitoring and yung distribution ng financial assistance.”
Plano rin ng DSWD na ipamahagi ang tulong-pinansyal sa pamamagitan ng e-wallets, na aalisin ang pangangailangan sa physical payout sites at maiiwasan ang mahabang pila at posibleng politikal na impluwensya.
Ayon kay Dumlao, “Isa yan sa nagsasabi na napopoliticize daw ang programa dahil may political actor sa pay-out sites. Kung tanggalin natin ang pay-out sites at diretso na sa electronic wallets ng ating mga clients… they need not go to the covered courts para pumila at doon nga po pwedeng maimpluwensyahan.”
Tinututukan din ng ahensya ang posibilidad ng online interviews sa halip na pisikal na assessments para sa aplikasyon ng tulong, tulad ng ginagamit sa pagkuha ng travel permits para sa menor de edad.
Ani Dumlao, “Iniiwasan na din natin nga is yung pinipila pa po nila… Nagproprogress na kami ng digitalization ng ating programa.”
Nauna nang sinubukang i-digitize ang mga programa ng DSWD noong 2022, ngunit napigilan dahil sa ilang legal na hadlang. RNT/MND